KUNG sino ang may sandamakmak na yaman sila ang umaastang tila mauubusan.
Kung sino ang maraming bahay, sila ang gusto pang mangamkam.
Kung sino ang iniluklok sa poder ng tiwala at boto sila ang nagwawasiwas ng kapangyarihan laban sa mamamayan.
At higit sa lahat, kung sino ang may ‘titulong’ tagapangalaga ng kalikasan ay sila ang numero unong mapangwasak sa kapaligiran at ginagawang negosyo ang batayang pangangailangan ng mamamayan.
Kabalintunaan talaga ang mga sinasabi at ‘mukhang’ ipinakikita ng mga Villar sa publiko kaysa kanilang mga ginagawa.
Sa totoo lang, nakauumay ang press release ni Senator Cynthia Villar, tagapangulo ng Senate committee on environment and natural resources, na ipinadadala sa iba’t ibang media outlet at sa mga reporter sa Senado.
Araw-araw ay mayroon silang ipinadadalang photo o press release na nagtatanim ang senadora, naglilinis sa tabing-dagat, at mas madalas ay doon siya nagpapakuha ng larawan sa Las Piñas Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area (LPPCHEA) at doon inilulunsad ang kanyang mga proyekto na sabi niya’y nakatutulong sa kapaligiran at kalikasan.
Sa araw-araw na ginawa ng mga diyos-diyosan sa paligid ng LPPCHEA, hindi nawawalan ng press release ang senadora, tampok ang kanyang mga ginagawa para raw sa kapaligiran.
Lalo na noong siya ay congresswoman. Lahat ng klase ng basura ginagawa niyang umanong maging kapakipakinabang.
Mayroon pa silang foundation na umano’y tumutulong sa maliliiit nating mamamayan — pero nasaan sila sa gitna ng pandemya? Wala tayong nabalitaan na tumulong sila maliban sa saging at itlog na mas malaki pa ang apelyido nila sa pinaglagyang plastik.
Good job, Lady Senator Cynthia Villar! Palakpakan!
But wait…
Ano ang nangyayari? Umuugong ang protesta ng mga Environmental activists sa Baguio City? Bakit?
Isang online petition ang lumalarga ngayon sa pangunguna ng isang Michael Bengwayan laban sa ginawang pagputol ng Vista Residences Inc., (VRI) sa 53 Pine trees kabilang ang isang Norfolk Pine diyan mismo sa likod ng Presidential Mansion sa Baguio City nitong 20-21 Hunyo 2020.
Ang Vista Residences Inc., ay nasa ilalim ng Vista Land, na si dating senador Manuel Villar, Jr., ang board chairman habang ang asawang si Senator Cynthia ay kasalukuyang chairperson ng Senate committee on environment and natural resources.
Kinukuwestiyon sa nasabing petisyon kung bakit biglang nabigyan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang VRI ng special private land timber permit sa panahon ng pandemya?!
Ito ang ginamit na lisensiya ng Vista para putulin at itumba ang 53 Pine trees at isang Norfolk Pine riyan nga sa bandang likuran ng Presidential Mansion sa Baguio City.
Sa lumalargang online petition muling ipinaalala na, “The trees supply oxygen needs of at least two hundred sixteen persons, sequester more than 10 tons of carbon dioxide, help reduce global warming, recharge brooks and springs, help prevent water run-off and act a buffer zone against strong typhoons and winds.”
Idinagdag ni Bengwayan na: “The importance of the trees is priceless. We are appealing to you because we know you also recognize the importance of trees in our beloved city and also because the company has already acquired a tree-cutting permit from DENR.”
Mantakin ninyo, hindi lang lupa, pati ‘hangin’ ngayon ay gusto nang ‘angkinin’ ng mga Villar sa pamamagitan ng pagkitil sa mga punong nagbibigay pinagmumulan nito?!
Hindi ba’t ganyan din ang ginawa nila sa serbisyo ng tubig sa maraming probinsiya? Ang Prime Water na pag-aari ng mga Villar ang nakakopo sa serbisyo ng tubig sa Cavite, sa San Jose del Monte at sa iba pang pangunahing bayan sa Bulacan, at hanggang sa Lucena City. Ang Prime Water na napakabulok ng serbisyo. Mabantot na marumi pa ang tubig.
Kaya talagang walang kawala sa mga Villar ang mga lupa na dating sinasaka ng mga magsasaka dahil ginawang subdibisyon, ang tubig na ‘nasakote’ sa mga dating water districts ng LWUA, at ngayon nga pati hangin sa Baguio ay gusto pong i-convert sa sandamakmak na kuwarta sa pamamagitan ng Vista Residences.
Kung natatandaan po ninyo, si Bengwayan ay isa sa mga leader ng Save 182, isang malawak na koalisyon na nanguna sa protesta laban sa pagputol ng mga Pine at Agoho trees sa Luneta Hill sa itaas ng Session Road para sa expansion ng SM Baguio.
Sa kasalukuyan ay naghahanda ang grupo nina Bengwayan at iba pang mga grupo ng mga aktibista
para tutulan ang nagbabantang pagpuputol pa ng mga puno sa Outlook Drive na ayon sa petisyon ay “one of the last pine forest stands in the city.”
Ang kakatwa talaga rito, mismong si Baguio Mayor Benjamin Magalong ay hindi alam na may nangyayaring pagputol ng mga puno sa kanilang teritoryo.
Sabi nga ng alkalde, isang malaking upak sa kanilang re-greening master plan ang pamumutol ng puno ng Vista ng mga Villar.
“We are saddened because we feel it is a big blow to our Re-greening Master Plan amid our request to the Office of the President for a tree-cutting moratorium.”
‘Yan mismo ang pahayag ni Mayor Magalong. Matagal na pala silang may request sa Office of the President para sa tree-cutting moratorium.
Ano pa nga naman ang magiging mukha ng Baguio kung wala na ang mga Pine tree. Hindi ba naiisip ng mga ‘gahaman’ na puwedeng gumuho ang buong siyudad dahil sa walang tigil na pamumutol ng mga puno?
Sa meeting ni Mayor Magalong sa DENR regional officials at sa isang Ferdinand Salcedo, kinatawan ng Vista noong hapon ng Huwebes, 18 Hunyo, noon lang nabatid ng alkalde na binigyan ng special private land timber permit No. CAR-58-2020 ang kompanya ng mga Villar sa panahon ng pandemya.
Wattafak!
Pirmado ito ng isang Jim Sampulina, DENR undersecretary for field operations and Muslim affairs.
Ang kanilang Environmental Clearance Certificate (ECC) ay inisyu noong 2017, ang barangay clearance ay noong 11 Setyembre 2018 at ang mayor’s clearance ay noong 1 Oktubre 2018 – hindi pa mayor ng Baguio si Magalong.
Tsk tsk tsk…
Malinaw na pagkakanulo sa mamamayan at sa lungsod ng Baguio.
Sa gitna ng pandemya, sana’y mapagtuunan ng pansin ng Malacañang ang request na tree-cutting moratorium ng Baguio local government.
Huwag sanang hayaan ng Palasyo na tuluyang mawasak ang Summer Capital of the Philippines dahil lamang sa interes ng mga oligarch gaya ng mga Villar na walang kasiyahan sa kung ano ang mayroon sila ngayon.
Puwede rin bang makiusap sa mga Villar? Please moderate your greed!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap