WALA nang bisa ang Bayanihan Act (Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act), mula pa nitong 25 Hunyo 2020, pero mukhang pumapasok pa sa bagong anyo ng pakikibaka ang sambayanan laban sa pandemyang COVID-19.
‘Yung bang tipong laban ng isang talunan sa humihinang kalaban pero patuloy pa ring nakapangbibiktima?!
‘Yun bang tipong sugatan na ang sambayanan, nagutom, at nasaid ang pondo ng bayan pero ni hindi man lang ‘napatag’ kahit kakarampot ang kurbada ng pandemya?!
Totoong may panahon na bumagal pero sa totoo lang consistent sa pagtaas ang bilang ng mga nabibiktima.
Pero ang higit na nakagugulat, nagkautang tayo ng US$5.8 bilyon sa Asian Development Bank (ADB) nang hindi naman natin naramdaman kung saan napunta ‘yang bilyones na dolyares na ‘yan.
Bukod pa kaya ‘yan sa P275 bilyones na ipinang-ayuda umano ng gobyerno pero halos 70 porsiyento ng mamamayan ang nagrereklamong wala silang natanggap na ayuda?!
Saan napunta ‘yang sandamakmak na kuwarta na ‘yan?!
Hello, Finance Secretary Carlos “Sonny” Dominguez III, hindi kaya nabudol-budol ang sambayanang Filipino sa ginagawa ninyong pangungutang?!
Kumbaga, sinabi ninyong may malaking lechon baka sa handaan pero ni hindi natinga ang mga bisita ninyo kasi sinabi n’yo lang. Walang nakita o naamoy ang pinangakuan ninyo ng ihahaing lechon baka. Ni hindi tumulo ang laway dahil natuyot sa gutom kahihintay sa lechon baka.
Ganyan po ang nangyari riyan sa $5.8 bilyones at P275 bilyones na sinabi ninyong gagamiting bala panlaban sa COVID-19 pero hindi man lang nakapatag ng kurbada ng pandemya kahit minsan.
Mga kababayan narito po ang detalye ng utang na beybing-beybi pa ang mga apo natin e nakasanla na sa pinag-utangan nina Secretary Dominguez:
Asian Development Bank (ADB) COVID-19 Active Response and Expenditure Support Program – $1.5 bilyon.
ADB Social Protection Support Project – Second Additional Financing – $200 milyon
World Bank (WB) Third Disaster Risk Management Development Policy Loan – $500 milyon
Republic of the Philippines (ROP) Bonds Due 2045 with 2.950% coupon – $1.350 bilon
ROP Bonds Due 2030 with 2.457% coupon – $1 bilyon
WB Emergency COVID-19 Response Development Policy Loan – $500 milyon
ADB Support to Capital Market Generated Infrastructure Financing Subprogram 1 – $400 milyon
WB Social Welfare Development and Reform Project II – Additional Financing – $200 milyon
ADB COVID-19 Emergency Response Project – $3 milyon
ADB Rapid Emergency Supplies Provision – $5 milyon
WB COVID-19 Emergency Response Project – $100 milyon
Tatanungin ko lang po uli kayo mga suki, naramdaman ba ninyo ‘yang mga bilyones na ‘yan?!
Baka si Secretary Dominguez lang ang nakaramdam niyan?!
Isa pang tanong: May panlaban pa kaya sa pandemyang COVID-19 ang sambayanan?
O matira matibay na lang?!
Tsk tsk tsk…
NAKABABAGBAG NA HINAING
PARA SA MIAA MANAGEMENT
(PAGING GM ED MONREAL)
Magandang araw po Sir Jerry Yap.
Ang ginamit ko pong email na ito ay hindi ko po totoong email at pangalan. Ayoko na lang po magpakilala dahil baka ako ay pag-initan sa aking trabaho.
Isa po akong empleyado ng Manila International Airport Authority, under terminal operations ng NAIA.
Kami po ay kasalukuyang walang trabaho ngayon dahil ang terminal 3 po ay temporarily nag-close dahil sa ECQ.
Gusto ko po sanang ireklamo ‘yung management ng MIAA especially our GM Ed Monreal and SAGM Baby Fernando. Hindi po kami direct na empleyado nila. Kami ay outsourced employees lamang pero sila po ang nagpapasuweldo sa amin.
Ngayon kami ay no work, no pay nang lagpas isang buwan na. Hindi po kami qualified sa kahit anong ayuda mula sa gobyerno dahil kami ay under daw po ng isang government agency at malaking korporasyon.
Pero ‘di po nila alam na walang ginagawang aksiyon ang MIAA upang kami ay matulungan. Wala po kaming natatanggap na kahit anong assistance mula sa kanila. May mga anak at pamilya po kaming pinapakain at pinapagatas.
Ang partial 13th month pay na ibinigay sa amin na nagkakahalaga ng 6,000 ay ‘di sapat sa mahigit isang buwan na wala kaming pinagkakakitaan. Wala pong tulong sa amin ang MIAA.
Puro lang po sa mga organic employees nila na mga may posisyon ang binibigyan nila ng tulong at mga bonuses. Lahat po ng organic nila ay tumatanggap ng buong sweldo kahit ito ay hindi nagtatrabaho gawa ng ECQ. Pero kaming mga mababang empleyado ay hindi nila matulungan. Kami po ang gumagawa ng halos ng trabaho nila. Kami po ang utusan nila sa lahat. Maski nasa bahay kami ay kami po ang inuutusan ng mga organic na ‘yan pero wala man lng po silang magawa para kami ay tulungan.
Lumapit na po kami sa kanila pero wala po silang response sa amin. Patong-patong na bayarin ang nakaabang sa amin pagtapos ng quarantine na ‘to. Ngayon po ay nagugutom na po ang aming mga pamilya. Marami po sa amin ang may mga sanggol na kailangan ng gatas at vitamins. May mga magulang na kailangan ng gamot, pero hindi po namin alam kung saan pa kukuha ng pambili ng mga pangangailangan ng aming pamilya.
Sana po ay matulungan n’yo po kami Sir Jerry Yap na ilapit kay GM ang hinaing namin na ito at mabigyan ng aksiyon.
Wala po silang sagot sa aming paglapit sa kanila tungkol sa concern namin na ito. Puro organic employees lamang po ang kanilang iniintinding tulungan. Pero kaming mga utusan at naaasahan nila sa lahat ay kanila pong pinapabayaan.
Sa oras po na kailangan nila ng aming tulong ay kami ang kanilang naaasahan pero nasaan po sila ngayong kami naman po ang nangangailangan ng tulong nila?
Sana makarating po sa kanila ito Sir. Kayo po ang magsilbi naming boses. Maraming maraming salamat po.
Mabuhay po kayo.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap