“TAYO ay nakikiramay sa naiwang pamilya ng ating kaibigan at patuloy nating ipanalangin ang hustisya at kaniyang katahimikan.”
Ito ang malungkot na pahayag ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan sa pagkakapaslang kay Barangay Chairman Gally Dilao.
Aniya, “Ang mga alaala at pagmamahal mo sa lungsod ng Caloocan, higit sa iyong mga taga-barangay ay mananatili sa aming mga puso. Maraming salamat sa iyo, Kapitan Gally Dilao,” pahayag ng alkalde.
Kamakalawa ng hatinggabi, walang awang pinaslang ang barangay chairman ng Barangay 151.
Patay nang idating sa Manila Central University (MCU) hospital ang biktimang kinilalang si Gally Dilao, 59 anyos, residente sa Milagrosa St., Barangay 151, Bagong Barrio sanhi ng mga tama ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril sa ulo at katawan.
Ito’y matapos pagbabarilin ng anim na hindi kilalang suspek na sakay ng tatlong motorsiklo, kamakalawa ng hating gabi.
Kasabay nito, ipinag-utos ni Malapitan kay Caloocan police chief Col. Dario Menor ang follow-up investigation para matukoy ang pagkakakilanlan at madaling pagkaaresto sa mga suspek, kabilang ang utak sa likod ng pamamaslang.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong 12:00 pm, habang naglalakad pauwi ng biktima sa kahabaan ng Progreso St., mula sa birthday celebration ni Kagawad Maning Llorica nang biglang harangin ng mga suspek na pawang nakasuot ng itim na face mask, sakay ng tatlong motorsiklo saka pinagbabaril.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi matukoy na direksiyon habang isinugod ang biktima sa nabanggit na pagamutan.
“Congressman pa lang ako ay personal nang malapit sa akin si Kap. Dilao kaya batid natin na mapagmahal siya sa pamilya, mabait na kaibigan at mapagbigay na lider sa kaniyang mga nasasakupan,” pahayag ni Mayor Oca.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang tunay na motibo sa insidente.
(ROMMEL SALES)