NABABAHALA ang Department of Health (DOH) sa mga natanggap nilang ulat na may mga nagbebenta ng steroid drug na dexamethasone sa social media platforms bilang gamot umano para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa isang virtual press briefing, muling inilinaw ni DOH spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi lunas sa COVID-19 ang dexamethasone at ibinabala ang paggamit sa naturang gamot nang walang prescription mula sa doktor.
“Hindi po lunas sa COVID-19 ang dexamethasone at kami po ay nagbibigay ng babala sa mga unregulated use ng gamot na ito nang walang payo ng doktor,” wika ni Vergeire.
Maging ang Food and Drug Administration (FDA) ay naglabas na rin ng babala sa publiko na huwag basta-basta bibili ng nasabing gamot.
Iginiit ng FDA, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng hindi rehistradong dexamethasone, maging ang pagbebenta nito na walang valid prescription o sa pamamagitan ng online platforms.
“The Food and Drug Administration (FDA) strongly reminds the public that Dexamethasone is a prescription drug and should strictly be used under the supervision of a licensed physician,” saad ng FDA.
“All violators shall be dealt with legal actions,” dagdag ng ahensiya.
Una nang inihayag ng DOH na bagama’t isang major breakthrough o malaking development sa larangan ng siyensiya ang dexamethasone, kailangan pang mapatunayan ang bisa nito laban sa deadly virus.
Dapat din aniyang mag-ingat ang publiko sa posibleng side effect ng gamot.
“Dexamethasone has only been given to patients who are critically hospitalized, those who are already intubated and supported by a ventilator, or those who require oxygen therapy,” anang opisyal.