MULA noong Lunes ng gabi hanggang kahapon marami po tayong natanggap na mensahe na nagsasabing nakatanggap sila ng ganitong test messages mula raw sa NTC.
DSWD: Ikaw ba benepisyaryo ng SAP? Magrehistro ng iyong SAC form sa www.ReliefAgad.ph mula 12-16 June 2020. (02)84242828 para sa katanungan.
Natanggap ng nagpadala ng mensahe sa atin ang ganitong text nitong Linggo, 14 Hunyo 2020, dakong 2:53 pm.
Ilan sa mga nagpadala ng mensahe sa inyong lingkod at humihingi ng paglilinaw ay locally stranded individuals (LSIs).
Inakala ng ilan sa kanila, kasama sila sa idinagdag na 5 milyong bagong benepisaryo ng Social Amelioration Program (SAP) para sa 2nd tranche.
Kaya agad nilang sinubukang mag-fill-up ng form sa pamamagitan ng pagbubukas sa www.ReliefAgad.ph. Pero ang unang itinanong sa nasabing site ay ang kanilang QR Code. E wala nga silang QR Code kasi hindi naman sila kasama sa 1st tranche.
So, ilan sa kanila ay nagpunta sa kani-kanilang barangay pero pagdating nila doon ay wala na raw umanong SAC form. Matagal na raw kinuha sa kanila ng DSWD.
E saan pala ngayon kukuha ng SAC form ang mga bagong aplikante?
Isa pang punto, bakit ipinadala ang mensahe, hora de peligro? June 16 ang deadline, ipinadala ay June 14?!
Paano bang makahahabol sa application ang 5 milyong pamilya na nais idagdag ng DSWD sa SAP?
In good faith kaya ang ganoong hakbang ng DSWD?
Lumalabas na paasa lang ang 2nd tranche ng SAP para sa karagdagang 5 milyong pamilya?!
Hindi pa natin alam kung kaninong ‘gimik’ ito pero ayon sa mga nakatanggap ng mensahe galing daw sa National Telecommunications Commission (NTC).
DSWD Secretary Rolando Bautista, Sir, pakiklaro lang nga po ulit itong isyu ng 2nd tranche ng SAP lalo ‘yung isyu ng karagdagang 5 milyong benepisaryo. Hindi pa po nalilimutan ng mga kababayan natin ‘yung hirap na inabot ng mga hindi nabigyan ng 1st tranche ng SAP, tapos heto na naman, may bagong paasa na naman ba?!
Pakiklaro lang po Secretary Bautista!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap