TINATAYANG nasa P15 milyon halaga ng structural properties at P100 milyong halaga ng mga produkto ang tinupok ng apoy sa nasunog na tatlong bodega sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Malabon, dakong 1:45 am nang sumiklab ang apoy sa isang bodega ng musical instrument sa kahabaan ng Guava Road, Barangay Potrero, at mabilis na kumalat sa dalawa pang katabing bodega ng surplus appliances, imbakan ng sabon at iba pang cosmetic products.
Ayon kay Malabon City Fire Marshal Supt. Michael Uy, kaagad inakyat ang sunog sa ikaapat na alarma dakong 2:34 am. Naideklarang under control ang sunog dakong 5:00 am.
Walang iniulat na namatay o nasaktan sa insidente habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng sunog. (ROMMEL SALES)