NANAWAGAN si Senator Grace Poe sa gobyerno na umupa ng tradisyonal na jeepney na pasado sa safety protocol upang madagdagan ang mga pampublikong sasakyang maghahatid sa commuters sa panahon ng general community quarantine (GCQ).
Ang mga jeep ay dapat na may mga marker at partition at susunod sa social distancing measures, ani Poe.
“Malinaw na walang masakyan ang maraming pasahero bukod sa nagtitiis sa kahihintay sa mahabang pila ay hindi rin siguradong makararating sa kanilang pupuntahan,” diin ng senadora.
Sa deliberasyon ng Bayanihan to Recover as One bill, itinulak ni Poe ang paglalaan ng pondo para sa pag-aarkila ng dagdag na shuttle, gayondin ang paglalatag ng malinaw na panuntunan para sa pagbabalik ng mga jeepney.
Sa simula ng GCQ, pinayagan ang 90 bus para bumiyahe sa EDSA malayo sa 3,500 units na tumatakbo bago magkuwarantena.
Kung mayroong 25 pasahero ang bus bawat biyahe, 20,000 pasahero lang ang maisasakay na malayo sa 250,000 pasahero bago ang lockdown, paliwanag ni Poe.
“Dapat isama sa probisyon na ang Department of Transportation (DOTr) ay bibigyang prayoridad ang pag-upa sa mga karagdagang shuttle sa gitna ng transisyon,” ani Poe.
Nanawagan ang senadora na magbigay ng subsidiya sa mga driver ng mga bus at jeepneys na papayagang bumalik sa kalsada.
“Tulungan nating makasunod ang mga driver sa social/physical distancing measure sa paraang hindi malulugmok ang kanilang kabuhayan,” hikayat ni Poe.
Pinamamadali rin ng senadora ang pagbibigay ng ipinangakong ayuda para sa mga driver ng PUVs na nawalan ng kita sa panahon ng lockdown.
Sinabi ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), may 435,619 PUV drivers ang makakukuha ng ayuda mula P5,000 hanggang P8,000.
“Simula po noong mag-lockdown, wala kaming natanggap na ayuda. Hinihintay po namin ‘yung ayudang manggagaling sa LTFRB. Lahat po lista-lista, wala kaming natanggap, kaya hirap na hirap kami sa buhay,” ani Ando Culayo, isang driver mula sa Quezon City na hindi pa umano nakakatanggap ng tulong kahit inilista siya ng Department of Social Welfare and Development (DWSD) at LTFRB.
Sa talakayan ng Bayanihan to Recover sa One Act, ipinanukala ni Poe ang pagmamantina sa status quo o no phaseout ukol sa modernisasyon ng PUVs para maiwasan ang mass displacement.
(NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)