AS expected, ang pelikulang Fantastica ni Vice Ganda ang nangunguna ngayon sa takilya simula nang magbukas ito nitong Martes, Disyembre 25 at karamihan sa mga sinehang palabas ay sold out hanggang last full show base sa paglilibot namin.
Ang Jack Em Popoy: The Puliscredibles ang pumangalawa sa box-office at hindi rin naman nagpahuli sina bossing Vic Sotto at Coco Martin dahil maraming screenings din na sold out sila.
Pami-pamilya na bitbit ang mga tsikiting ang nakita naming nanood ng Fantastica at Jack Em Popoy bukod pa sa loyal supporters ng bawat artistang kasama sa mga pelikula kaya huwag nang pagtakhan kung bakit kinabog nila sa takilya ang ibang pelikulang kasali sa 2018 Metro Manila Film Festival.
Hindi nakasama sa MMFF Parade of the Stars ang float ng Aurora dahil literal na lumubog ito sa putikan at hindi sa dagat. Pero hindi naman nahuli sa takilya ang suspense/horror movie ni Anne Curtis dahil nasa ikatlong puwesto ito as of December 25. Hindi lang namin alam sa ikalawang araw.
Nakaaaliw at nakai-in love ang kuwento ng The Girl in the Orange Dress at Mary Marry Me kaya siguro parehong maraming nanood, hindi lang namin alam ang actual figures dahil hindi nag-isyu ang Metro Manila Development Authority (MMDA).
Wala sa Top 4 ang One Great Love at Rainbow’s Sunset, pero naniniwala kami na tataas ang puwesto nila pagkatapos ng MMFF awards night ngayong gabi na gaganapin sa The Theater Solaire dahil naniniwala kaming marami silang iuuwing tropeo.
Hindi namin napanood ang Otlum kaya wala kaming masasabi pa, pero marami naman kaming nakitang lumabas ng sinehan.
Nakatsikahan namin ang ilang katoto na mas inuna nilang panoorin ang mga pelikulang sa tingin nila ay mawawala na sa sinehan pagtuntong ng Enero at ang komento nila, “kainis, sayang ang bayad namin.”
Sa totoo lang hindi binanggit ng ilang katoto namin kung anong pelikula ito baka raw kasi isulat namin, ha, ha, ha, ha.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan