SINALAKAY ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang condominium unit sa Pasay City, na ginagamit bilang pagawaan ng ilegal na droga, at nakompiska ang 80 kilo ng shabu na aabot sa P544 milyon ang halaga.
Ang hinihinalang shabu laboratory ay nasa 16th floor ng isang condominium sa Pasay City.
Nakompiska sa nasabing unit ang mga plastic bag ng hinihinalang high grade shabu, iba’t ibang uri ng paraphernalia at gamit sa pagluluto ng ilegal na droga.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, unang nadakip sa buy-bust operation ang mga suspek na sina Lam King Wah at Wong Ka Lok, makaraan mabilhan ng dalawang kilo ng shabu sa Aseana Power Station sa Parañaque City.
Sumunod na nadakip ang mga suspek na sina Lam Wing Bun at Lam Ming Sun, sa isa pang buy-bust operation nitong Martes at nakompiska sa kanila ang isang kilo ng shabu.
Nabatid, ang mga suspek ay galing Hong Kong at batay sa inisyal na imbestigasyon, sina Lam Wing Bun at Lam Wing Sun umano ang tagaluto ng shabu habang handler sina Lam King Wah at Wong Ka Lok.
Ayon sa PDEA, ang apat na suspek ay sinasabing miyembro ng 14-K international drugs syndicate at ang pagkakaaresto sa kanila ay follow-up sa unang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa isa pang Chinese national na si Huan Sen Lin sa Roxas Blvd. sa Maynila kamakailan.
nina MANNY ALCALA/JAJA GARCIA