INIHAYAG ni Senador Antonio Trillanes IV na anomang oras ay maaari na siyang makalabas ng gusali ng Senado ngunit hindi tinukoy kung deretsong uuwi ng kanilang tahanan o kung saan tutuloy pansamantala.
Ito ay makaraan bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kautusang arestohin ang senador nang walang warrant of arrest at maglabas ng desisyon ang Korte Suprema sa inihaing petisyong kumukuwestiyon sa pagbawi ng pangulo sa amnestiya ni Trillanes, at kabiguang makakuha ng temporary restraining order (TRO) at preliminary injuction mula sa SC.
Ayon kay Trillanes, maliwanag ang mga pahayag ni Duterte at ng SC na maaari na siyang makalabas sa gusali ng Senado anomang oras na walang pag-arestong mangyayari.
Ngunit hindi isinasantabi ni Trillanes ang posibilidad na mayroong magtangkang mag-aresto sa kanya sa sandaling lumabas siya ng Senado, kahit walang warrant of arrest. Kung mangyayari ito, sinabi ni Trillanes na maaaring managot ang sinomang aaresto sa kanya nang walang arrest warrant. (NIÑO ACLAN)