TINAWAG ni Caloocan Rep. Egay Erice na kabaliwan ang pagbawi sa amnestiya na ipinagkaloob kay Sen. Antonio Trillanes IV noong panahon ni Pangulong Benigno Aquino III.
“This is crazy, I don’t think that President Aquino will grant amnesty to Sen. Trillanes if he did not applied (Kabaliwan ito. Hindi magbibigay ng amnestiya si President Aquino kay Sen. Trillanes kung hindi siya nag-apply dito),” ani Erice, miyembro oposisyon.
“Ngayon, ang salita ni PNoy laban kay Duterte,” dagdag niya.
Binawi ng Malacañang ang amnestiya kay Trillanes kahapon.
Sa dokumento na pinirmahan ni Executive Sec. Salvador Medialdea, sinabi ng Malacañang na hindi nag-comply si Trillanes sa mga requirements para mabigyan ng amnestiya.
Kinuwestiyon ni Erice ang namomoong patakaran ng gobyernong Duterte na kung kritiko ka ay malamang makakasuhan ka.
Magiging “Banana Republic” tayo kung dalawang senador, halal ng taong bayan ay nakakulong dahil oposisyon sila.
Giit ni Erice, hindi puwedeng bawiin ang amnesty hanggang walang pahintulot ang Kongreso.
Mayroon aniyang ebidensiya si Trillanes na nag- apply siya para mabigyan ng amnesty.
“Kung sino man ang gumawa at nagplano ng revocation order ay ipinapahiya ang Pangulong Duterte,” ani Erice.
Dapat, aniya, mag-resign ang “presidential adviser” na nag-isip nito.
Sa panig ni Akbayan Rep. Tom Villarin, malinaw na “political vendetta” laban sa isang matinding kritiko ni Duterte ang pagbawi sa amnestiya.
Mahirap, ani Villarin, ipangatuwiran ang pagbawi sa amnestiya na ibinigay ng Kongreso.
Ang pangangatuwiran ng Malacañang na hindi nag-apply si Trillanes sa amnestiya ay masyadong mababaw at hindi makatatayo sa legal na usapin dahil kompleto ang amnestiya na ibinigay ni President Aquino na sinang-ayonan ng Kongreso.
Para kay Albay Rep. Edcel Lagman, Proclamation No. 75 na pinirmahan ni President Benigno Aquino III noong 24 Nobyembre 2010, walang sinabi tungkol sa “revocation clause.”
Ani Lagman, ang Amnestiya, na nagbubura sa mga nakaraang pagkakamali, ay pinal, buo at hindi puwedeng bawiin hindi kagaya ng Presidential legislative conditional pardon.
(GERRY BALDO)