INIREKOMENDA ng Philippine National Police (PNP) ang paghahain ng kasong kriminal laban sa 15 pulis na umano’y lumabag sa karapatang pantao.
Kasama sa mga balak sampahan ng kaso ang isang pulis na nanampal umano ng bus driver na nanuhol daw sa kaniya, isang pulis sa Iligan na nambugbog ng mga menor de edad dahil sa paglabag sa curfew, at isang pulis sa Taguig na nanutok ng baril sa dalawang menor de edad.
Ayon kay C/Supt. Dennis Siervo, hepe ng PNP Human Rights Affairs Office, maaaring humarap ang 15 pulis sa kasong paglabag sa Republic Act 9745 o Anti-Torture Act.
“Para malaman ng lahat na we don’t tolerate that. Kung mayroon talagang pieces of evidence like video footages ideretso na namin ‘yan,” ani Siervo.
Ngunit iginiit ni Siervo na magkakaroon muna ng imbestigasyon at dadaan sa tamang proseso ang pagdinig sa mga kaso.
“There are certain factors you need to filter in and what happened in that particular time, in that particular environment, that led him to do such act. There should be due process and investigation to be conducted,” aniya.
Kabilang umano sa mga balak sampahan ng kaso ang isang chief inspector, isang senior police officer 4, at tatlong police officer 2. Pinakamarami ang ranggong police officer 1 (PO1) na may anim katao.
Ipinaliwanag ni Siervo na ranggong PO1 ang pinakamarami dahil sila ang isinasalang sa mga operasyon.