NAGA CITY, Bicol – Inaresto ang isang 25-anyos babae at tatlo niyang kasama sa ikinasang buy-bust operation dakong 4:00 ng hapon noong Sabado.
Ayon sa ulat ng pulisya, target ng operasyon ang 25-anyos na si Rosemarie Devela, ngunit naabutan din sa kaniyang bahay ang magkapatid na sina Jomalyn at Judelyn Tocyapao, pati ang isang menor de edad na lalaki.
Limang gramo ng shabu na P18,000 ang halaga ang ibinenta ni Devela sa undercover agent.
Bukod dito, narekober din ang pake-paketeng hinihinalang shabu sa bahay ni Devela na aabot sa 80 gramo at P380,000 ang halaga.
May narekober din na tsekeng may halagang P100,000 at P180,000 deposit slip na parehong nakapangalan kay Devela.
Ayon sa mga awtoridad, kasabwat ni Devela ang kaniyang mga kapatid na sina Michael at Raymond. Ang tatlo ay nauna nang sumuko sa “Tokhang.”
“Direkta silang tumatanggap ng supply from other places. Ibig sabihin, sa kanila kinukuha ng retailers dito (Naga City) nang malakihan. Hindi siya nagbibigay doon sa mga kumukuha sa kaniya nang tingi, pero bulto-bulto sila magbenta,” ani SPO2 Tobias Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dadalhin sa Bicol Police Crime Laboratory ang 80 gramo ng umano’y shabu para isailalim sa confirmatory test.