TIYAK na ibubunton ng San Beda Red Lions ang kanilang ngitngit sa St. Benilde Blazers sa pagsisimula ng second round ng 92nd NCAA Men’s basketball tournament mamayang12 ng tanghali sa The Arena sa San Juan.
Sa ikalawang laro ay pinapaboran ang Arellano Chiefs kontra San Sebastain Stags sa ganap na 2 pm. Puntirya naman ng Perpetual Help Altas ang ikaanim na sunod na panalo kontra Emilio Aguinaldo College Generals sa ganap na 4 pm.
Ang Red Lions ni coach Jamike Jarin ay pinayuko ng Jose Rizal Heavy Bombers, 79-73 sa pagtatapos ng first round noong Agosto 9. Dahil doon ay nabigo ang San Beda na makumpleto ang sweep pero nagtapos pa rin sa itaas ng standings sa record na 8-1.
Ang Blazers ni coach Gaby Velasco ay walang panalo sa siyam na laro sa first round.
Tinambakan ng San Beda ang St. Benilde, 90-63 noong Hulyo 15.
Ang Red Lions ay pinangungunahan ng import na si Donald Tankoua at Fil-Am rookie Devion Potts. Ang iba pang inaasahan ni Jarin ay sina Javee Mocon, Jose Mari Presibitero, Robert Lee Bolick, Jr., at Dan Sara.
Ang Altas ngayon ang pinakamainit na koponan matapos na magwagi sa huling limang laro upang tapusin ang first round sa ikalawang puwesto sa kartang 7-2.
Ang Altas ni coach Jimwell Gican ay pinamumunuan ng mga foreign players na sina Bright Akhuete at Prince Eze. Tinutulungan sila nina Jeffrey Coronel, Gabriel Dagangon, Gerald Dizon, Leith ido at Ric Gallardo.
Dinaig ng Altas ang Generals, 70-53 noong Agosto 2. Tinalo naman ng Arellano ang San San Sebastian, 99-81 noong Hulyo 1.
Si Arellano coach Jerry Codinera ay sumasandig sa SEA Games veteran na si Jiovani Jalalon na sinusuportahan nina Kent Salado. Allen Enriquez, Dioncee Holts at Lervin Flores.
( SABRINA PASCUA )