PATAY ang isang 45-anyos hinihinalang drug pusher habang arestado ang kanyang live-in partner nang maaktohan habang nagre-repack ng shabu sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Chief Insp. Leandro Gutierrez ng Gandara PCP, ang napatay na si Reynaldo Viscaino, residente ng Room 202, Tiaoqui Building, 523 Bustos St., Sta. Cruz, Maynila, habang arestado ang kanyang kinakasamang si Erlinda dela Peña.
Ayon sa ulat, dakong 9:00 pm nang maganap ang insidente sa bahay ng mga suspek.
Napag-alaman, makaraan makatanggap ng ulat ang mga awtoridad kaugnay sa aktibidad ng mga suspek, naglunsad ng operasyon ang pulisya.
Naabutan ng mga pulis ang mga suspek na nagre-repack ng shabu sa loob ng kanilang bahay.
Tangkang pasukin ng mga pulis ang bahay ngunit bumunot ng baril si Viscaino at nagpaputok.
Mabilis na gumanti ng putok si PO1 Julius Omolon na ikinamatay ng suspek.
Habang inaresto ng mga awtoridad si Dela Peña, nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
( LEONARD BASILIO / may kasamang ulat nina Kimbee Yabut at Joana Cruz )
2 BAGETS SUGATAN SA TANDEM
SUGATAN ang dalawang binatilyo na hinihinalang gumagamit ng marijuna at sangkot sa serye ng robbery snatching makaraan pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa.
Ang mga biktimang hindi pinangalanan ay kapwa 17-anyos, parehong out of school youth, at residente ng Almeda St., sa Tondo.
Batay sa ulat ni Supt. Santiago Pascual III, commander ng Manila Police District (MPD) – Station 3, dakong 6:58 pm nang maganap ang insidente sa kanto ng Ipil at Herrera streets sa Sta. Cruz.
Lulan ng tricycle ang mga biktima nang buntutan sila ng mga suspek na lulan ng motorsiklo at sila ay pinaulanan ng bala hanggang bumangga ang sasakyan sa barbecue stand.
Hindi pa nasiyahan ang mga suspek, bumaba pa sila at muling pinaputukan ang mga biktima saka mabilis na tumakas.
Lumitaw sa imbestigasyon, ang mga biktima ay kapwa miyembro ng Magdamo group na gumagamit ng marijuana at sangkot sa serye ng robbery snatching sa area ng Tayuman at mga kalapit na lugar.
(LEONARD BASILIO, may kasamang ulat nina Kimbee Yabut at Joana Cruz)