IMINUNGKAHI ng ilang concerned na kongresista ang pagsasabatas ng “Traffic Crisis Act” na magbibigay sa nakaupong pangulo ng “emergency powers.”
Hindi naman dapat mabahala ang mga mamamayan dahil ito ay kaugnay lang ng halos walang katapusang problema ng trapiko sa ating mga lansangan, at pati na sa himpapawid, at magtatagal lamang sa loob ng dalawang taon.
Sa palagay ng mga mambabatas ay ito ang nararapat dahil sa lumalalang pagsisikip ng trapiko sa mga daanan at himpapawid sa Metro Manila at Cebu, na maituturing na umanong national emergency.
Kung hindi pa rin malinaw sa marami, kapag nabigyan si President Rodrigo Duterte ng naturang kapangyarihan ay maaari na niyang baguhin o ibasura ang anumang kagawaran sa gobyerno na nakatuon sa pagpapaunlad ng transportasyon kung ito ang kinakailangan.
Mabibigyan si Duterte ng karapatan na magbukas ng mga pribadong lugar na maaaring madaanan para sa trapiko.
Puwede na rin niyang alisin ang sapilitang bidding na inoobliga para sa mga kagamitan para sa transportasyon at konstruksyon.
Magkakaroon din ng kapangyarihan ang Pangulo na magpatibay ng mga alternatibong pamamaraan sa pagpapagawa, rehabilitasyon, pagsasaayos at pagpapanatili ng mga proyekto para sa transportasyon, upang mabawasan ang pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila at iba pang mga lugar.
Alalahanin na ayon sa pag-aaral na isinagawa ng Japan International Cooperation Agency (JICA), ang labis na pagsisikip ng trapiko ay nagsisilbing dahilan sa pagkawala ng P2.4 bilyon kada araw sa ekonomiya.
Hindi biru-biro ang laki ng halagang ito at ang tulong na maidudulot nito kung napakinabangan sa tamang paraan.
Kung magpapatuloy raw ang naturang problema sa kasalukuyan nitong takbo ay posibleng umabot sa P6 bilyon ang kawalan sa ekonomiya sa araw-araw pagdating ng 2030.
Alalahanin na napailalim na tayo sa pamamahala ng iba’t ibang pangulo pero walang nakapagbigay ng kalutasan sa problema natin sa trapiko. Sa halip ay patuloy pa itong lumala sa pagdaan ng panahon.
Naniniwala ang Firing Line na kung ang pagbibigay ng emergency powers kay Duterte ang paraan para malutas ang problema sa lumalalang problema ng trapiko sa bansa ay dapat ibigay ito sa kanya.
Bakit ipagkakait sa kanya ang emergency powers kung ito ang makalulutas sa problemang patuloy na nagbibigay sa atin ng sakit ng ulo at nagsisilbing dahilan ng kawalan ng bilyones sa ating ekonomiya sa araw-araw?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.