PINALITAN na ng puwesa ng PNP-Special Action Force (SAF) ang mga jail guard na nagbabantay sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Hindi na kasi katiwa-tiwala ang naturang jail guards dahil kahit nakabantay sila sa puwesto ay patuloy rin nakalulusot papasok sa Bilibid ang iba’t ibang klase ng kontrabando, mula sa mga naglalakihang kasangkapan tulad ng TV sets, baril, patalim, signal boosters, sex toys, alak, cell phones hanggang sa droga.
Dahil bago pa lang sila sa puwesto ay natural lang na magpakitang-gilas at panibagong sigla ang SAF sa paghahalughog sa paligid ng NBP sa paghahanap nila ng kontrabando.
Nananalig si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na hindi masusuhulan ng itinuturing na “high-profile inmates” ang puwersa ng SAF. Pero para makatiyak na rin, tuwing ikatlong buwan ay papalitan nila ang mga itinatalagang guwardyang SAF.
Pero ang tanong ay kung paano matitiyak ng mga mamamayan na hindi maku-corrupt at hindi masisilaw ang SAF commandos kapag inalok na ng limpak-limpak na salapi ng mga nakapiit na drug lords?
Hindi ko nais ibaba o hamakin ang ating kapulisan. Pero alalahanin na dati na ring lumabas sa survey na ang PNP ang pinaka-corrupt na ahensya sa bansa.
At maituturing na sagad sa katiwalian ang compound ng NBP. Grabe raw manuhol ang mga drug lords. Nag-aalok sila ng P1 milyon sa jail guards kapalit ng isang cell phone, na kanilang magagamit sa pagpapatuloy ng mga transaksyon sa droga kahit sila ay nakakulong.
Hindi biro ang P1 milyon at parang tumama sa lotto ang mabibigyan ng halagang ito. Kaya naman pala hindi na naubos ang mga cell phone na natatagpuan sa tuwing sasalakayin ng mga awtoridad ang Bilibid.
Bukod diyan ay may mga nakatago umanong tunnel na nasa ilalim ng lupa nito kung saan niluluto ang shabu. Patuloy rin ang marangyang pamumuhay ng high-profile inmates na parang nasa bakasyon lamang at hindi nakakulong.
Kung gusto ng pamahalaan na matigil nang tuluyan ang korapsyon sa loob ng Bilibid ay makabubuting ituloy ang balakin nilang ilipat ito sa isang malayong lugar o isla, na walang signal para sa cell phone o Internet, para matigil ang komunikasyon nila sa labas ng kulungan.
Hangga’t nananatili sa Muntinlupa ang Bilibid ay nariyan ang posibilidad na magpatuloy ang korapsyon sa loob nito, at marungisan ng katiwalian pati na ang mga bagong nagbabantay sa pasilidad.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.