NORMAL na muli ang operasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) makaraang pansamantalang isinara ang runway sanhi sa isinagawang emergency repair sa rapid exit way ng naturang paliparan.
Umabot sa 22 flights na kinabibilangan ng international at domestic ang na-divert sa Clark International Airport (CIA), 53 departure at 76 arrival flights ang kanselado.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal, isinara nila ang runway matapos madiskubreng may malaking tipak ng aspalto na matatagpuan sa rapid exit way at delikado para sa eroplano.
Aniya, hindi na nila pinatagal ang repair upang hindi malagay sa peligro ang mga pasahero.
“Ang prayoridad dito ay kapakanan ng mga pasahero at ‘yun ang unang ginawa namin,” ani Monreal, na dating nanilbihan bilang Manila station manager ng Cathay Pacific Airways sa loob ng mahabang panahon.
Ipinaliwanag ni Monreal ang emergency closure ng runway nang ipaalam sa kanya na lumaki ang uka ng aspalto na nagsimula sa maliit na butas noong Lunes.
“Habang dinaraanan ito ng eroplano ay lumalaki ang uka hanggang mapilitan kaming ipasara muna para sa repair,” ani Monreal.
Tanging lumilipad ay Airbus A320 at malilit na eroplano na gamit ang secondary runway na 13/31.
Ekskatong 11:00 ng gabi nitong Lunes nang ideklara ng MIAA ang pagbubukas ng runway 06/24 para sa commercial flights.
( JERRY YAP)