“The Hague Ruling” dapat gamitin ng PH sa tamang pagkakataon
Jerry Yap
July 15, 2016
Opinion
KAHIT paano, mayroon ngang dapat ipagdiwang ang sambayanang Filipino sa paborableng desisyon ng international tribunal na ngayon ay tinatawag nang “The Hague Ruling.”
Pero alam naman nating lahat, nagpakita ng tatag at tikas ng paninindigan ang China sa isyung ito ng Scarborough Shoal kaya nga hindi sila lumahok sa deliberasyon.
Gayonman, isang paborableng senyales ang ibinigay sa atin ng The Hague Ruling.
Naniniwala ang inyong lingkod na puwede itong maging tuntungan ng gobyerno natin kapag humarap sa bilateral talks sa China.
Pero hindi pa rin dapat magpadalos-dalos o maging mayabang ang Filipinas komo pinaboran ng international tribunal.
Alalahanin natin na ang ating sitwasyon ay tila palayok na babangga sa kawaling bakal.
Ang pinakapositibong bagay na nakikita natin dito ay pagkakaisa ng mga bansang ASEAN.
Ang isyu ng Bajo de Masinloc ay dapat resolbahin ng mga bansang Asians sa mahinahon at diplomatikong paraan.
Hindi dapat pumayag ang Filipinas at iba pang bansang sangkot dito na panghimasukan ng Western powers ang pagreresolba sa usaping ito lalo ng US dahil alam naman ng buong mundo na mayroon silang vested interest sa pagsusulong ng mga giyera sa iba’t ibang panig ng mundo, bukod pa, na sila ay baon sa utang sa China.
Ang US po ay hindi si Shaider na pulis-pangkalawakan.
Ang soberanya ng isang bansa ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng pag-aastang ‘big brother’ ni Uncle Sam.
Tayo po mismong mga mamamayan sa pangunguna ng ating government officials ang dapat magtanggol sa ating bayan.
Sabi nga ng matatandang mangingisda sa lugar, sanay na silang may nakakasabay na mangingisda mula sa ibang bansa.
Dahil ang Bajo de Masinloc ay common fishing grounds sa mga bansang nakapalibot dito.
Sa ganoon kasimpleng prinsipyo lang po siguro, dapat magsimula ang bilateral talks ng China at Ph.
Siyanga pala, kahit paano dapat natin pasalamatan ang PNoy administration.
Kahit alam nating ang paghahain nila ng reklamo sa tribunal ay may impluwensiya ng Estados Unidos.
Inumpisahan ni Pnoy…si Duterte ang tatapos…
Pansamantala, let’s wait and see.
DOH AT DDB MAY PLANO BA SA REHABILITASYON
NG SUMUSUKONG MGA ADIK AT PUSHERS?
Kung ang mga punerarya ay umaangal na walang kumukuha at tambak na ang bangkay ng mga napapatay na tulak at adik, ano naman kaya ang programa ng Department of Health (DOH) at Dangerous Drug Board (DDB) sa mga sumusuko?
Pagkatapos pumirma sa pangakong magbabago na sila at makikipagtulungan sa mga awtoridad para lutasin ang problema sa ilegal na droga sa ating bansa, paano naman kaya sila natutulungan ng pamahalaan para i-detox o linisin ang kanilang sarili para hindi na sila maging dependent sa illegal drugs?
Ibig po natin sabihin, mayroon bang nakahandang facilities ang DOH at DDB para sa detoxification process at treatment facility ng mga lulong sa droga?
Kung hindi tayo nagkakamali, ‘yung facilities ng DOH Tagaytay at sa Bicutan, ‘e panahon pa ni Marcos ginawa ‘yun.
Maliban sa Magalang, Pampanga, wala na tayong nabalitaan na nagdagdag ng ganitong facilities ang mga sumunod na administrasyon.
Nakatitiyak ba na magbabago ang mga sumurender na addict kung nandoon pa rin siya sa dating lugar na nagbibisyo siya!?
Kaya nga, isang malaking tanong, kung anong programa at saan pa dadalhin ng PNP at LGU ang sumusukong mga adik at pushers.
Paging DOH, DDB and LGUs!
‘PATAY’ NA UNITS SA MPD
IPINANGONGOLEK-TONG PA!
Patuloy pa rin palang kumokolek-tong nang malaking halaga ang isang kotong-cop ng Manila Police District sa mga patay na unit ng MPD Heaquarters.
Ang mga unit na ipinangongolektong pa rin ng isang lespu na alias TATA NIL-NIL ay MPD-Special Operation Task Force, MPD-Task force Galugad, MPD-Task Force Manhunt, Task Force Anti-Vice ng Vice Mayor’s office at Task Force JIMBA ng Office of the Mayor.
Sigurado tayo na hindi alam ni Yorme Erap at VM Lacuna na nagagamit pa rin ang opisina nila sa pangongolektong ng damuhong Tata Nil-Nil!
Mula sa fun houses, illegal gambling, illegal terminal, pergalan, fixers sa mga fake diploma, fake DVDs at mga pobreng vendors ang kinokolek-tong ni Tata Nil-Nil ang mga patay na unit ng MPD.
MPD DD Gen. Joel Coronel, kalusin mo nang maaga ‘yan walanghiyang Tata Nil-nil at baka ‘yan pa ang makasira sa iyong administrasyon sa Maynila!
VP LENI SUMIPA AGAD!?
KA JERRY, bakit ganun si VP Leni matapos manumpa kay Pres. Duterte na HUDCC chairman ay biglang binanatan drug killings? Ano bang klaseng ugali ‘yan? +639185400 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com