MUKHANG maraming nahahamig na suporta ang House Bill 413 ni Navotas Congressman Tobias “Toby” Tiangco na naglalayong ipagBAWAL na ang paggamit ng special privilege plate No. 8 sa mga mambabatas lalo sa mga congressman.
Hindi lang iisang beses na nasangkot sa abusadong paggamit nito ang plakang numero otso. Mantakin ninyong ibinoto para maging public servant pero sila ang nang-aabuso?
Supposedly po kasi, ang plakang numero otso ay dapat na gamitin para sa kaginhawaan ng constituents.
Pero ang nangyayari po, para lang pala sa kaginhawaan ng pamilya at kaibigan ng ilang congressman.
Minsan betkalayts pa ng congressman ang gumagamit plus the extended family.
Mas madalas nagagamit pa ito sa justification kapag nasasangkot sa traffic violation.
Sonabagan!!!
Sobrang abuso talaga! Abusado na sa pork barrel, abusado pa sa plakang numero otso?!
Suportahan naman kaya ng mga kapwa congressman ni Rep. Tiangco ang panukalang ‘yan?!
Kaabang-abang ‘yan sa pagbubukas ng 17th Congress sa Hulyo 25!
NATIONAL REFERENCE SYSTEM
ISUSULONG NI SEN. PING LACSON
Sa dami ng iba’t ibang krimen na nagaganap ngayon lalo’t hi-tech na ang sistema ng transaksiyon sa iba’t ibang tanggapan, pribado man o publiko, mayroon na talagang pangangailangan na magkaroon ang bawat mamamayan ng isang pambansang pagkakakilanlan or national identification.
Ilang taon nang isinusulong ito, pero marami ang tumututol.
Hindi naman natin masisisi ‘yung mga tumututol kasi nga hindi naman ganoon kahusay ang mga ahensiyang nakatalaga para sa paghawak nang ganito kadelikadong mga impormasyon.
Nitong nakaraang eleksiyon nga lang, na-hacked ang Commission on elections (Comelec) at nabuyangyang sa publiko ang mga detalyeng dapat sana ay pribado sa isang botante.
Remember Globe Asiatique’s Delfin Lee, na ginamit umano ang account ng mga Pag-IBIG member para makakuha ng malaking loan sa kanyang real estates project?!
Hindi ba’t nagulat ang mga miyembro na nagamit ang account nila ng Globe Asiatique?
Pero mayroong bagong mungkahi si Senator Panfilo “Ping” Lacson.
‘Yan ang national reference system.
Tinanggal lang ‘yung terminong ID (identification) pero ang function nito ay ganoon din.
Kaysa nga naman hinahanapan pa tayo ng kung ano-anong gov’t IDs ‘e di mas mabuti na ‘yung isa na lang at puwedeng gamitin kahit saang ahensiya ng pamahalaan.
Ang kailangan lang siguro ‘e huwag maging burara ang bawat indibidwal sa paggamit nito para hindi magamit ng identity thieves.
At dapat ay mas lalong maingat at mahigpit ang ahensiyang hahawak nito.
Hindi sila dapat magpakaang-kaang lang, dahil seguridad ito ng bawat mamamayan.
Aabangan ng inyong lingkod kung ano man ang maaprubahang mechanics ng national reference system na isusulong ni Sen. Panfilo Lacson.
Suportahan po natin ito.