UPANG matiyak na ligtas sa ano mang uri g pagnanakaw ang mga bagahe ng mga pasahero, bubuuin ng bagong pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang isang composite team na magsasagawa ng biglaang inspeksiyon sa mga manggagawa at empleyado na nakatalaga sa baggage build up area.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal, ang planong ito ay prayoridad para maiwasan ang nakawan o pilferage sa NAIA particular sa terminal 1.
Ang composite team, aniya, ay kinabibilangan ng personnel mula sa Airport Police Department (APD), PNP-Aviation Security Group at private security guards na ang layunin ay protektahan ang mga bagahe laban sa mga ‘magnanakaw.’
Ayon kay Monreal, planado na rin ang paglalagay ng state-of-the-art closed circuit televisions (CCTVs) sa baggage build up areas lalo sa NAIA 1 para palitan ang lumang CCTVs na inilagay ng MIAA noong 1990s.
Sa baggage build-up area iniipon ang mga dumarating at lumalabas na bagahe ng mga pasahero para ayusin saka dadalhin sa baggage carousel sa arrival area at/o patungo sa cargo ng eroplano. Hawak ito ng airline employees, airport baggage handling unit at security personnel.
Pinayuhan ni Monreal ang mga pasahero na iwasang maglagay ng mamahaling gamit tulad ng alahas, pera at iba pang mahahalagang bagay bagkus ilagay ito sa carry-on bag.
Binigyan-diin ni Monreal, hindi lamang sa NAIA nangyayari ang pilferage maging sa ibang bansa o ang airport na pinanggalingan ng pasahero. ( JERRY YAP )