Complainant laban sa 2 pulis pinalulutang ng QCPD DIDMD
Jerry Yap
July 13, 2016
Bulabugin
SUMULAT po sa inyong lingkod ang District Investigation and Detection Management Division (DIDMD) ng Quezon City Police District (QCPD).
Ang liham po, nilagdaan ng kanilang hepe na si C/Insp. Florian Reynado, ay kaugnay ng reklamong naikolum natin dito sa Bulabugin laban sa mga pulis na sina PO3 Jobert Garcia at PO3 Joel Almazan.
‘Yun po ‘yung may inaresto silang suspect umano sa illegal drugs pero tinangka nilang ibangketa at ‘pinadudugo’ ng P3 milyones.
Nakikita naman ng inyong lingkod ang layunin ng QCPD na maging patas sa magkabilang panig.
Pero sabi nga ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, walang tiwala ang malaking porsiyento ng mamamayan sa pulisya at mismong sa kabuuang sistema ng gobyerno.
Kaya nga patuloy ang pagsisikap ng Pangulo at ng kanyang administrasyon na dalhin ang tunay na pagbabago.
At ‘yan po ang ultimong dahilan kung bakit nakiusap ang nagreklamo sa atin na huwag nang ibigay ang pangalan ng kanyang anak at huwag nang humarap sa pag-aanyaya ni C/Insp. Reynado para pormal na ihain ang kanilang reklamo laban sa dalawang pulis.
Unang rason, ayaw na nilang magamit para sa pagpapapogi ng ilang pulis kay Pangulong Digong.
Ikalawa, hindi nila maramdaman kung magiging maayos pa ba ang kanilang seguridad pagkatapos nilang humarap sa pulisya at sa publiko lalo’t maselang usapin ng illegal na droga ang kinasasangkutan ng kaso.
At ikatlo, nagtataka sila kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa naipapadala sa Mindanao sina POs3 Garcia at Almazan, gayong ang pagkakaalam nila, kasama sila sa yunit na ipinadadala roon ni PNP chief, DG Ronald “Bato” Dela Rosa.
Hindi ba maiimbestigahan ng pulisya ang bawat kagawad ng mga yunit na sangkot sa illegal na droga? Kayo na nga mismo ang nagsabi, malalaking tao, maiimpluwensiya ang sangkot dito, paano papayag ang isang ‘biktima’ na lumutang para maghain ng pormal na reklamo?!
C/Insp. Reynado, pulis din po kayo. Alam ninyo kung paano magtrabaho ang mga ‘Ninja.’
May diskarteng dagdag-bawas sa mga nakokompiskang droga. May diskarteng-eskoba. At may diskarteng hulidap. Huhulihin, kokompiskahin ang item saka kikilan ng pera. Kapag hindi nagbigay ng pitsa, didiinan ang kaso at pahihirapan.
Ang gusto nating sabihin, C/Insp. Reynado, lalabas lang ang mga biktima para tumestigo kung nagawa na ng pulisya na linisin ang kanilang hanay.
Hangga’t hindi nalilinis ng pulisya ang operasyon ng mga ‘Ninja’ sa loob ng PNP lalo na riyan sa QCPD-DAID, walang sibilyan o indibidwal na lalabas dahil alam nila puwedeng sa susunod, sila na ang titimbuwang sa kalye.
Anyway, maraming salamat po sa inyong pagsisikap na resolbahin ang kasong ito.
Gayonman naniniwala ang inyong lingkod na ang ganyang paraan ay hindi pa paborable sa panahon na naglilinis ang gobyernong Duterte.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com