Friday , November 15 2024

Peting sumuko sa Caloocan cop (Utol ni VM Maca Asistio)

070916 peting asistio drugs
BOLUNTARYONG sumuko sa Caloocan City Police na kinatawan ni Chief of Police (COP) S/Supt. Johnson Almazan si Luis Asistio III alyas Peting dahil sa paggamit at pagbebenta ng droga. Sinamahan siya ng kapatid na si Caloocan Vice Mayor Macario Asistio III at ng kanyang abogado na si Atty. Mario Costo. Nangako si Peting na tutulong sa pagsugpo ng ilegal na droga sa kanilang lugar. ( RIC ROLDAN )

KUSANG LOOB na sumuko sa pulisya ang kapatid ng vice mayor ng Caloocan City kaugnay nang kinasasangkutang paggamit ng ipinagbabawal na droga.

Si Luis Asistio III, alyas Peting ay sinamahan kahapon ng umaga ng kanyang kapatid na si Vice Mayor Macario Asistio III kay Caloocan City Police chief, Sr. Supt. Johnson Almazan nang magpasyang magbabagong buhay na.

Isasailalim sa imbestigasyon ng pulisya si Peting na nangakong susunod at makikipagtulungan sa programa ng pamahalaan at sa pulisya upang malinis ang lungsod sa illegal drug activities.

Ayon sa bise alkalde, makaraan ang mga proseso at imbestigasyon ng pulisya, kung pahihintulutan ay kanilang muling ipapasok sa rehabilitation center ang kanyang kapatid at umaasang sa pagkakataong ito ay tuluyan na nilang mailayo sa masamang bisyo.

“Alam naman ng lahat na hindi namin kinokonsinti itong si Peting, lalo na ng aming amang si Baby, kaya sana lang ay magtuloy-tuloy na itong ipinangako niyang pagbabagong buhay,” ayon sa bise alkalde.

Si Peting ay matagal nang problema ng pamilya Asistio dahil sa mga gulong kinasangkutan bunsod nang pagkalulong sa ipinagbabawal na droga.

Kaugnay nito, si Peting ay pinapirma sa isang waiver na siya ay sumasang-ayon na makiisa sa mga kampanya ng  Caloocan City Police Station – Project Tokhang.

Nabanggit din sa waiver, ang kanyang pag-amin sa pagkakasangkot sa paggamit at pagbebenta ng illegal na droga,

Binibigyan ni Peting ng pahintulot ang mga pulis ng Caloocan na magsagawa ng imbestigasyon hindi lamang sa sumuko kundi maging sa pamilya niya alinsunod sa nakasaad sa RA 9165.

Gagawin ni Peting ang lahat ng legal na pamamaraan upang makatulong sa pulisya upang matigil at masugpo ang ilegal na droga sa kanilang lugar sa lalong madaling panahon.

Ipagbibigay alam niya sa awtoridad ang lahat ng kanyang makakalap na impormasyon kaugnay sa aktibidad ng ilegal na droga sa kanilang lugar.

Kusa siyang aalis sa kanilang lugar maging sa Caloocan at sumasang-ayon siyang masampahan ng kaukulang demanda kapag napatunayang patuloy pa rin ang kanyang partisipasyon sa ilegal na droga.

Inisa-isa ni Vice Mayor Maca ang mga nakasaad sa waiver bago lagdaan ni Peting. Kasama rin ang kanilang abogadong si Atty. Mario Costo.

Ayon kay Vice Mayor Asistio, chairman ng Caloocan City Anti-Drug Council, idideretso na niya ang kanyang kapatid sa isang rehabilitation center.

Samantala, una nang nanawagan si Caloocan Mayor Oscar Malapitan sa mga residente na makipag-cooperate sa mga programa ng gobyerno na naglalayon makakuha ng impormasyon hinggil sa mga taong nali-link sa pagpapalaganap at pagpapagamit ng mga ipinagbabawal na gamot.

( JUN DAVID/ROMMEL SALES )

DRUG PUSHER TODAS SA RIDING IN TANDEM

PATAY ang isang hinihinalaang drug pusher makaraan pagbabarilin ng hindi nakilalang riding-in-tandem sa Caloocan City kamakalawa ng umaga.

Agad binawian ng buhay sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa ulo at katawan si Wilfredo Loto, 37, ng 2nd Avenue Grace Park, Brgy. 120 ng nasabing lungsod.

Patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng mga pulis upang matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek at motibo sa pamamaril sa biktima.

Ayon kay Caloocan Police Station Investigation and Detective Management Section (SIDMB) chief, Insp. Ilustre Mendoza, dakong 6:00 am, nakatayo ang biktima malapit sa kanilang bahay sa 2nd Avenue nang dumating ang hindi nakilalang mga suspek na sakay ng motorsiklong hindi nakuha ang plaka.

Agad bumunot ng baril ang nakaangkas at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima at pagkaraan ay mabilis na tumakas.

Hinala ng pulisya, posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang motibo sa insidente dahil kilala ang biktima bilang drug peddler sa naturang lugar.

 ( ROMMEL SALES )

6 TIKLO SA ANTI-DRUG OPS SA SAMPALOC

ANIM hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na droga ang nadakip nang magkasanib na puwersa ng pulisya bitbit ang search warrants sa Sampaloc, Maynila kahapon.

Sinalakay ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group, Special Weapon and Tactics ng MPD at ilang tauhan ng MPD-Sampaloc Police Station 4, ang isang eskinita sa Sampaguita St., Brgy. 418 sa Sampaloc dakong 4:00 am.

Ayon kay Chief Insp. Wilfredo Sy, hepe ng CIDG Manila, sorpresa nilang sinalakay sa ikinasang “One time big time operation,”  “Lambat Sibat,” “Oplan Paglalansag Omega,” “Oplan Pagtugis,” at CIDG flagship Project “Big Berta” ang nasabing lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na si Felix Brioso at kapatid niyang si Arnel Brioso sa Sampaguita St., sa nabanggit na barangay.

Arestado rin sina Evelyn Ramos, Edmil Ejercito, Vincent Osorio at Elmer Lorian pawang ng nasabing lugar.

Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa R.A. 9165 o Dangerous Drug Act.

( LEONARD BASILIO )

About Rommel Sales

Check Also

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

COMELEC Vote Election

Erice naghain ng supplemental Motion para tuluyang ibasura kontrata ng Comelec–MIRU

NAGHAIN ng supplemental motion sa Korte Suprema si dating Caloocan City congressman Egay Erice para …

Principal

PH public schools kapos sa principal

BINIGYANG-DIIN ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahang mapunan ang pagkukulang ng mga punong-guro sa mga …

AMLC

Bigtime money launderer dapat arestohin ng AMLC

UMAPELA si Senate Minority Floor Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na palakasin ng Anti-Money Laundering …

Scam fraud Money

Nagpanggap na kaniyang pamangkin, Babae sa Tarlac tiklo sa online love scam

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang babaeng kinilalang si alyas “Tita” matapos magpanggap na kaniyang …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *