ZERO crime rate ang naitala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Metro Manila kasabay ng inagurasyon nina Pangulong Rodrigo Duterte bilang ika-16 Presidente ng Filipinas at Bise Presidente Leni Robredo kamakalawa.
Inihalintulad ito ni NCRPO Spokesperson Chief Insp. Kimberly Molitas sa tuwing may laban si boxing champion at ngayo’y Senator Manny “Pacman” Pacquiao, na walang naitatalang krimen.
Bago ang panunumpa sa tungkulin ni Pangulong Duterte sa Malacañang, maraming drug pushers at gumagamit ng droga ang sumuko sa Quezon City Police.
Samantala, umabot sa 400 pawang mga tulak at adik sa ipinagbabawal na droga ang sumuko kahapon sa Pasay City.
Sinabi ni Pasay City Police chief, Sr. Supt. Joel B. Doria, nagpatupad ng kampanya kontra ilegal na droga ang pinagsanib na puwersa ng Pasay City Police at pamahalaang lokal sa iba’t ibang barangay ng lungsod dakong 9 a.m.
Nagresulta ang kampanya ng mga pulis sa pagsuko ng 400 katao na pawang nagtutulak at gumagamit ng droga.
Isasailalim sa counseling ang mga sumuko at tutulungan ang iba na makapag-aral para makapagbagong buhay. ( JAJA GARCIA )