PDP-Laban tunay na nanindigan para sa ating kalayaan
Ariel Dim Borlongan
June 28, 2016
Opinion
IPINAGMAMALAKI kong naging media consultant ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III sa halalan noong 2013 na kakalog-kalog pa ang kasapian ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Nagpatuloy ang aking trabaho kay SKP (iyon ang tawag ng malalapit sa kanya tulad ng masipag niyang chief of staff na si Ronwaldo “Ron” Munsayac) hanggang matapos ang aking kontrata sa Senado noong Disyembre 2014.
Kaya masasabi kong kagila-gilalas na nakapagpanalo ng iluluklok sa Malakanyang ang PDP-Laban sa katauhan ni incoming President Rodrigo “Digong” Duterte.
Nasaksihan ko kamakailan sa Club Filipino, Greenhils, San Juan City ang pagpapalakas PDP-Laban National Capital Region Council (PDP-Laban NCR) sa pamumuno ni Council President Abbin Dalhani.
Ayon kay Jose Antonio Goitia, chairman ng Membership Committee ng PDP-Laban NCR at national head ng PDP Laban Policy Studies Group, mainit ang naging pagtanggap nila sa mga dumating na datihang kasapi gayundin sa mga gustong maging miyembro ng kanilang partido
Paliwanag ni Goitia na nanunungkulan din bilang pangulo ng PDP-Laban San Juan City Council: “Maganda ang turnout ng mga nais na sumama sa aming NCR Council. Sa pagtitipong ito, ipinaliwanag muna ni Ka Anthony del Rosario ang tungkol sa five principles ng PDP-Laban at Ka Ed Almazan na nagbigay tanaw sa kasaysayan ng PDP-Laban. Ipinaliwanag sa kanila ang kahulugan ng limang prinsipyo ng partido. Sa pamamagitan nito, malalaman nila kung ano ang ipinaglalaban at paninindigan ng PDP-Laban.”
Idiniin naman ng tubong Basilan na si Dalhani: “Mainam kasi na maunawaan muna ng mga bagong miyembro ang five basic party principles ng PDP-Laban. Nararapat lamang na matuklasan nila ang aming pangunahing mga prinsipyo na Theism, Authentic Humanism, Enlightened Nationalism, Democratic Centrist Socialism at Consultative and Participatory Democracy.”
Paglilinaw nina Dalhani at Goitia: “Ang PDP-Laban ang tunay na nanindigan para sa ating kalayaan. At sa pangunguna ni Sen. Pimentel na tatanghaling bagong Senate President sa pagbubukas ng 17th Congress, makaaasa ang aming kapartido na si incoming President Rodrigo Duterte sa kahandaang tumulong ng PDP-Laban para sa mga ipinangako niyang pagbabago patungo sa kaunlaran ng ating bayan.”
Binanggit din nina Dalhani at Goitia na ikinuwento rin sa pagpupulong ang kasaysayan kung paano naitatag ang PDP-Laban.
Dagdag nila: “Napakahalaga na malaman din ng bawat baguhang miyembro gayundin naman ang mga datihang PDP-Laban members na matuklasang muli ang mayamang kasaysayan ng aming partido. Dahil higit silang magiging epektibong party member kung alam nila ang pinagmulan ng partidong itinatag ni PDP founder at dating senador Aquilino “Nene” Pimentel Jr.”
Itinatag ni Pimentel ang Partido Demokratiko Pilipino sa kasagsagan ng Batas Militar na ibinaba ni dating pangulong Ferdinand Marcos noong 1972. Kalaunan, nakipag-alyansa naman noong 1983 ang Lakas ng Bayan, na binuo ni dating senador Benigno “Ninoy” Aquino, kay Pimentel upang mapagsama ang tinatawag na ngayong PDP-Laban.