KINUWESTIYON ng Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) ang sobrang pananahimik ni Cement Manufacturing Association of the Philippines (CeMAP) president Ernesto Ordonez sa sumadsad na Panamanian-registered cargo vessel kamakailan sa pamosong dive spot Monad Shoal sa Cebu na sumira sa tatlong ektaryang coral reefs.
Ayon kay 4K secretary general Rodel Pineda, pinalabas ng Philippine Coast Guard na cement clinker ang lulan ng barko pero ilang insider sa Bureau of Customs (BOC) ang nagbisto na cement bulk ang epektos na lulan ng sumadsad na MV Belle Rose sa Cebu.
“Kaduda-duda ang sobrang pananahimik ni Ordonez matapos ibistong miyembro ng CeMAP ang posibleng nagpupuslit din ng semento sa bansa at hindi ang local importers na inakusahan niya kamakailan ng technical smuggling,” ani Pineda.
“Sobra ang bigat ng kargang cement bulk kaya sumadsad sa bahura.”
“Bakit naglabasan sa mga ulat na cement clinker na raw material sa paggawa ng semento ang lulan ng MV Belle Rose gayong purong bulk cement ang totoong laman nito? At bakit biglang natiyope si Ordonez na ngawngaw nang ngawngaw sa mga lokal na importer ng semento pero nagtetengang-kawali pagdating sa mga miyembro ng CeMAP?” tanong ni Pineda.
Ani Pineda, malinaw na sinisira ng CeMAP na kontrolado ng multi-national companies ang maraming lugar sa Filipinas pero winawasak din nila ang ating coral reefs kaya dapat nang ipatigil ni incoming Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez ang pagmimina ng semento sa bansa at pagmultahin ang CeMAP officials sa patuloy na pagsira sa kapaligiran.
Kabilang sa malalaking importers ng semento at cement clinkers ayon sa NCL Trading Joint Stock Company ng Ho Chi Minh, Vietnam ang mga miyembro ng CeMAP tulad ng Holcim, APO Cement at Republic Cement kaya malinaw na nadedehado ang mga lokal na negosyante na sinisiraan pa ng CeMAP.
“Nais ng CeMAP na tumigil sa pag-angkat ng semento ang local importers upang muling magkaroon ng shortage sa semento para lumobo ang presyo ng produktong ito. Ang dapat kay Ordonez, kasuhan ng local importers dahil unfair competition ang malinaw na taktika niya at ng CeMAP,” dagdag ni Pineda.