TUKOY na ng militar sa Western Mindanao kung sino at anong grupo ang may hawak sa panibagong bihag na pitong Indonesian nationals.
Batay sa intelligence report ng AFP, ang Muktadil brothers na sina Nickson, Brown, Badung at Dadis ang dumukot sa pito mula sa 13 crew ng isang Indonesian tug boat at saka ibinigay sa grupo ni Abu Sayyaf sub-leader Majal Adja alias Apo Mike na nakabase sa probinsiya ng Sulu.
Kabilang sa dinukot ng mga armadong grupo ang mismong kapitan ng tug boat na nakatawag pa sa kanyang asawa at ipinaalam na sila ay dinukot at humihingi ng 20 million Malaysian Ringgit kapalit ng kanilang kalayaan.
Ayon kay Western Mindanao Command spokesperson Maj. Felimon Tan, layon nang kanilang pinalakas na operasyon sa probinsiya ng Sulu ay masagip nang ligtas ang kidnap victims.
Umaasa ang pamunuan ng AFP, mapapalaya rin ang bihag na Norwegian national na si Kjartan Sekkingstad.
Una nang pinalaya nitong Biyernes ang Filipina na si Marites Flor, personal na kinuha ni incoming Government Peace Panel Chair Jesus Dureza sa probinsiya ng Sulu.