Hatian sa ransom sa ASG KFR itinanggi ng AFP
Hataw News Team
June 20, 2016
News
ITINANGGI ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang alegasyong may koneksiyon ang ilan sa kanilang mga opisyal sa bandidong grupo ng Abu Sayyaf.
Mariing itinanggi ni Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, ang paratang sa militar sa pagsasabi na iniaalay nila ang kanilang sarili para masugpo ang bandidong grupo.
Marami na aniya sa kanilang hanay ang namatay dahil sa dedikasyon at pagmamahal sa trabaho, para lang magtagumpay sa hangarin na sugpuin ang Abu Sayyaf.
Nabatid na sinabi ng alkalde ng Jolo, Sulu na may ilang opisyal sa hanay ng militar ang sumusuporta sa Abu Sayyaf at nakikinabang sa binabayarang ransom money.
Lumutang ang paratang na ito makaraan muling pugutan ng ulo ang isa pang bihag ng ASG na si Canadian national Robert Hall noong Hunyo 13.
Una nang itinanggi ng AFP sa Western Mindanao ang nasabing alegasyon sa pagsasabing walang ganitong impormasyong nakarating sa kanila.
Ayon kay Maj. Filemon Tan Jr., hindi siya naniniwala na magagawa ito ng kanilang kasamahan.
LGU ‘baka’ nakinabang sa ASG (Buwelta ng AFP sa Jolo mayor)
ZAMBOANGA CITY – Binuweltahan ni Major Filemon Tan, tagapagsalita ng Western Mindanao Command (WestMinCom), si Jolo Mayor Hussin Amin sa pagsasabing baka ang mga opisyal ng local government unit (LGU) ang nakikinabang sa grupong Abu Sayyaf.
Ito ay makaraang sabihin ng Jolo mayor sa lalawigan ng Sulu, na ilang opisyal ng militar ang sumusuporta sa ASG at nakikinabang sa ransom money.
Nauna nang pinabulaanan ng AFP ang nasabing paratang ni Amin.
Ayon kay Tan, biniberipika nila ngayon ang ilang lumalabas na impormasyon na posibeng mayroon din sa mga elected official sa Sulu ang sumusuporta at nakikinabang sa ginagawa ng Abu Sayyaf kaya hindi nila maresolba ang problema ng kidnapping at iba pang mga kriminalidad na ginagawa ng mga bandido.
Ngunit sinabi ni Tan, wala rin hinahawakang matibay na ebidensiya sa kasalukuyan ang militar na makapagtuturo kung sino sa mga lokal official sa Sulu ang nagsisilbing supporter ng Abu Sayyaf.
Kasunod nito, hinamon ni Tan si Amin na maglabas ng pruweba sa kanyang alegasyon para malaman kung ano ang totoo at panagutin ang mga posibleng sangkot.
“That is his allegation and he has to prove that. Kung meron, bakit hindi niya sabihin sa amin. Hindi ko po alam kasi no ransom policy kami tapos I cannot confirm ‘yang sinasabi niyang ransom na meron dumating tapos may nakikinabang. If they have reports of that alam naman natin na bawal ‘yan, ‘yung pong hinihingi natin, if you know something, then ilabas po natin para maimbestigahan,” pahayag ni Tan.