Sunday , December 22 2024

6 drug pushers patay sa police operations

ANIM hinihinalang drug pusher ang napatay sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa Laguna, Bulacan at Rizal nitong Sabado.

Dalawa sa mga suspek ang napatay sa Calamba, Laguna makaraan manlaban sa mga umaarestong pulis, dakong 11 pm.

Ayon kay Calamba police chief Supt. Fernando Ortega, nauwi sa barilan ang ikinasang entrapment operation sa Brgy. Banlic nang magpaputok ang mga suspek na natunugang pulis ang kanilang ka-transaksyon.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas Joel at Raphael.

Nakuha mula sa kanila ang isang kalibre .45 na pistol, .38 kalibre, at hindi pa natitiyak na halaga ng shabu.

Nakatakas ang kanilang kasama na si alyas Sargot.

Napatay ang isa pang hinihinalang drug pusher sa buy-bust operation sa tapat ng Sto. Rosario Cemetery sa Taytay, Rizal nang manlaban sa mga pulis.

Kinilala ang suspek sa alyas na Michael, nasa 30-anyos at puno ng tattoo ang katawan.

Tumanggap ang suspek ng P1,200 halaga ng marked money kapalit ng ibinentang droga sa police asset, ayon kay Supt. Samuel Delorino, hepe ng Taytay police.

Ngunit nang mahalatang mayroong pulis sa lugar, tumakbo ang suspek at pinaputukan ang mga awtoridad.

Binaril ng mga pulis si Michael, na namatay sa tama ng mga bala ng baril sa tagiliran at ibang bahagi ng katawan.

Narekober sa kanya ang .38 kalibreng baril, hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P12,000 at ang ginamit na marked money sa buy-bust operation.

Samantala, patay rin sa drug buy-bust operation ang notoryus na tulak ng droga sa isang hinihinalang drug den sa Sitio Dike Banga 1, sa Plaridel, Bulacan.

Nakikipag-transaksiyon ng droga si Reynaldo Sta. Maria alyas Inad sa pulisya nang mabisto ng kasamahan niyang si Jason Adrian alyas Bilog, ang pagpapanggap ng police asset.

Bumunot si Adrian ng baril at pinaputukan ang asset. Hindi natamaan ang asset, ngunit naudyok ng komosyon sa mga pulis na nagpakilala sa target at mga kasama nito.

Nagtakbuhan ang mga suspek kasama ang ilan pang mga gumagamit ng shabu sa lungga na pag-aari ni Sta. Maria.

Habang naghahabulan, nagkapalitan ng putok ng baril at tinamaan si Adrian na agad namatay.

Nakatakas si Sta. Maria sa gitna ng komosyon, ngunit naaresto ang 10 gumagamit ng shabu sa drug den.

Kasama sa mga naaresto si Liza Domingo, kinakasama ng napatay na suspek.

Umamin siya na nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot si Adrian.

Patuloy ang pulisya at barangay sa pagtugis kay Sta. Maria.

Napatay rin sa kaparehong operasyon ang dalawang hinihinalang drug pusher na sinasabing nanlaban sa mga pulis sa Antipolo nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na si alyas Allan, residente ng lungsod; at Kalkal, isang kilalang carnapper sa Pasig City.

Nakabili ang mga pulis ng P500 halaga ng shabu mula sa mga suspek, ayon kay Antipolo police chief, Supt. Lucilo Laguna.

Tinangkang tumakas ng mga suspek nang mahalatang police asset ang kanilang katransaksyon.

Pinaputukan aniya ng dalawa ang mga pulis, dahilan para barilin din sila ng mga awtoridad.

Agad namatay ang mga suspek mula sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang kalibre .38 revolver, marked money at pitong pakete ng hinihinalang shabu.

Ed Moreno

P1.2-M shabu kompiskado sa Cebu

NAKOMPISKA ng mga awtoridad ang P1.2 milyon halaga ng droga sa isang babae sa buy-bust opreation sa Opon, Lapu-Lapu City, Cebu nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Maritess Ponce Naparate, 38-anyos. Nakompiska mula sa suspek ang plastic bag na kinaroroonan ng shabu at P2,000 marked money.

Itinanggi ng suspek na miyembro siya ng sindikato sa droga, iginiit na inutusan lamang siya ng kanyang amo na si Che-che, na i-deliver ang kontrabando sa mga kliyente.

Gayonman, sinabi ng suspek na hindi niya kilala ang mga taong hahatiran niya ng shabu.

Ang suspek ay kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Kelot tiklo sa drug-bust

NASAKOTE ng mga awtoridad ang pampito sa listahan ng drug personalities sa isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Caloocan Police Station Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Group Chief Insp. Alfredo Lim ang suspek na si Alex Clemente, 37, ng Pitong Gatang St., 4th Avenue, Brgy. 46 ng nasabing lungsod, nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 sa piskalya ng Caloocan.

Sa imbestigasyon ni PO2 Raymond Hernandez, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng SAID-SOTG hinggil sa talamak na pagtutulak ng shabu ng suspek na pampito sa kanilang listahan ng drug personalities.

Bumuo ng team ang mga tauhan ng SAID-SOTG saka ikinasa ang buy-bust operation laban sa suspek sa 4th Avenue dakong 7 p.m.

Nang iabot ng suspek sa poseur-buyer ang plastic sachet na naglalaman ng 0.9 gramo ng hinihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P2,000, agad siyang inaresto.

Nakompiska mula sa suspek ang buy-bust money at tatlong sanche ng shabu. (ROMMEL SALES)

Shabu isinisilid sa tsinelas, balat ng tsitsirya

MAHIGIT isang kilo ng shabu ang tumambad sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang operasyon sa isang condominium unit sa Pasay City, Linggo ng madaling araw.

Naaresto sa operasyon ang apat na mga suspek na itinago ang 35 pakete ng droga sa loob ng mga tsinelas at pakete ng sitsirya sa kanilang tirahan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng NBI, isinisilid ng mga suspek ang mga droga sa mga naturang gamit bago ipadala sa ibang lugar.

Bukod sa droga, nakuha mula sa condominium ang isang weighing scale, mga tsinelas, balat ng sitsirya, pera at ilang Malaysian ringgit.

Kinilala ang mga suspek na tulak ng droga na si Enjom Jainoddim, may-ari ng condominium unit, at asawa niyang si John at kapatid na si Miam.

Kabilang din sa mga inaresto si Manik Halis, isang kagawad ng Brgy. Culiat, Quezon City.

Ayon kay NBI Anti-Organized and Transnation Crime Division chief Manuel Fayre, nakaaabot ang operasyon ng mga suspek mula Metro Manila hanggang Zamboanga at Malaysia.

Bago ang operasyon, anim buwan aniyang minanmanan ng NBI sina Janoiddim na sinundan nila mula Zamboanga papuntang Metro Manila.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

About Hataw News Team

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *