Saturday , January 11 2025

CHR Rescue Team hinarang ng Manalo Siblings (Misteryo ng tiwalag na mag-utol sa INC compound)

NALITO at nadesmaya ang mga imbestigador ng Commission on Human Rights (CHR) nang muling pagbawalang pumasok sa compound ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Quezon City ng mismong mga humingi ng saklolo sa kanila – ang dating mga kasapi ng INC na sina Angel Manalo at Lottie Manalo-Hemedez.

Hindi naitago ng pinuno ng CHR-NCR team na si Special Investigator Jun Nalangan ang pagkadesmaya dahil sa pagkalito bunsod ng kawalan ng kooperasyon ni Manalo at Hemedez at sinabing “sila mismo ang tumawag sa ahensiya upang humingi ng tulong” ngunit paulit-ulit na tumangging makipag-usap nang personal at harapin ang mga kagawad ng CHR na dumating sa nasabing compound upang magberipika sa isinumbong nilang ‘harassment.’

Sa pagtatanong ng media, naibunyag ni Nalangan na limang beses nang nagtangkang pumasok sa nasabing compound sa 36 Tandang Sora Ave., ang mga taga-CHR kung saan nakatira ang mga nabanggit na dating miyembro ng INC kasama ang kanilang mga pamilya ngunit bigo sila sa kanilang layuning makausap at maimbestigahan ang mga nagsusumbong.

 Hindi na mabilang ang mga pahayag ni Manalo at Hemedez sa media at publiko na sila ay ginigipit ng pamunuan ng INC bilang ganti sa kanilang paratang na mga iregularidad sa pangangasiwa ng nasabing relihiyon.

Dumulog na ang Iglesia sa hukuman upang mapaalis na ang magkapatid na Manalo sa nasabing compound dahil nawalan sila ng karapatang manirahan doon matapos matiwalag sa INC.

Sinalungat ni Manalo at Hemedez ang pagmamay-ari ng INC sa tinutuluyang compound nang magsampa sila ng falsification case dahil sa pamemeke umano sa titulo ng nasabing ari-arian, ngunit agad itong ibinasura ng Quezon City Prosecutor’s Office dahil sa kawalan ng ebidensiya.

 Pinabulaanan ni Nalangan ang mga naunang napabalita sa media na si Manalo at Hemedez ay hindi nakakakain dahil hinaharang umano ng Iglesia ang mga dinadala sa kanilang tubig, pagkain at iba pa nilang pangangailangan.

Ayon sa kanila, ang mga delivery ng pagkain at iba pang suplay ay mahigpit umanong binubusisi at hinaharang ng mga security personnel ng INC.

Inireklamo rin nila ang estriktong pagpapatupad ng limitadong oras ng delivery na kailangan gawin tuwing office hours lamang.

Ayon kay Nalangan, ang mga alituntuning ito sa seguridad ay normal lamang na karaniwang ipinapatupad saan mang pasilidad o ari-arian at naaayon sa karapatan ng INC bilang may-ari ng nasabing compound.

“Nasa may-ari ang lahat ng karapatang tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng nasa loob ng lugar niyang pag-aari. Wala namang masama (sa) security concerns,” ayon sa imbestigador ng CHR.

Tila nabunutan ng tinik ang pamunuan ng INC dahil unti-unti nang nabubunyag sa publiko ang maling impormasyon at kasinungalingang ipinapahayag sa media ng dalawang dati nilang kasapi.

Ayon sa tagapagsalita ng INC na si Edwil Zabala, “nag-uuumpisa nang mabigyan ng linaw ang publiko dahil napagtanto na nila ngayon ang kawalan ng kredibilidad ng iilan nilang mga kapanalig na tila uhaw sa atensiyon at publisidad.”

“Sila mismo ang humingi ng tulong sa Commission on Human Rights, ngunit sa unang apak pa lamang ng Komisyon sa kanilang tarangkahan – siya namang umpisa nilang magdahilan upang hindi makapasok ang mga imbestigador ng CHR. Ganito ang gawi at estilo ng mga taong may itinatago. Ayaw nilang mabunyag ang katotohanan sa lahat,” dagdag ni Zabala.

About Hataw News Team

Check Also

Garahe nasunog BUS NATUPOK MEKANIKO SUGATAN

Garahe nasunog
7 BUS NATUPOK MEKANIKO SUGATAN

HATAW News Team PITONG BUS ang natupok habang sugatan ang isang mekaniko nang sumiklab ang …

Rank no 9 MWP ng Laguna arestado

Rank no. 9 MWP ng Laguna arestado

NADAKIP ang lalaking nakatalang pangsiyam na most wanted person sa provincial level sa isinagawang joint …

Arrest Shabu

3 high-value drug pusher sa Pampanga tiklo P.68-M shabu nasabat

NASAKOTE ng mga awtoridad ang tatlong nakatalang high-value individuals (HVI) at nasamsam ang tinatayang 100 …

Sa anti-crime drive ng Bulacan PNP 17 TIMBOG, P80-K DROGA NASABAT

Sa anti-crime drive ng Bulacan PNP
17 TIMBOG, P80-K DROGA NASABAT

ARESTADO ang 17 indibiduwal na binubuo ng pitong personalidad sa droga, pitong wanted na kriminal, …

4 NBI employees, 7 fixers inaresto sa NBI clearance center

4 NBI employees, 7 fixers inaresto sa NBI clearance center

ALINSUNOD sa atas ni National Bureau of Investigation (NBI) Director (ret) Judge Jaime B. Santiago …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *