Mag-ingat laban sa abo ng Mt. Bulusan – DoH
Hataw News Team
June 13, 2016
News
NAGA CITY – Bagama’t tahimik nang muli ang Bulkang Bulusan makaraan ang phreatic erruption noong nakaraang araw, patuloy pa ring pinag-iingat ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS)-Bicol ang mga residente malapit sa bulkan.
Sa magdamag ay wala nang naitalang volcanic quakes sa loob ng naturang bulkan.
Ayon kay Dr. Ed Laguerta, Regional Director ng Phivolcs-Bicol, nasa karakter aniya ng Bulkang Bulusan ang manahimik ng ilang buwan o taon makaraan mag-alburoto.
Patuloy ang paalala ngayon ng Depertment of Health (DoH)-Bicol sa mga mamamayan hinggil sa mga sakit na maaaring makuha mula sa ibinugang volcanic ash ng Bulusan volcano.
Kabilang sa maaaring maranasan ang pangangati ng mata, pag-ubo, nose at throat irritation at iba pang sakit na maaaring makaapekto sa respiratory system ng tao.
Resorts ipinasara
NAGA CITY – Pansamantalang ipinasara ang ilang resorts sa bayan ng Casiguran, Sorsogon makaraan ang pagsabog ng Mt. Bulusan.
Ayon kay Luisito Mendoza Jr., head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO-Casiguran), inabisuhan nila ang resort owners na pansamantala munang itigil ang kanilang operasyon upang maiwasan ang ano mang peligro.
Una rito, sapilitan nilang pinaalis ang mga bakasyunista sa dalawang resort malapit sa Mt. Bulusan dahil sa ipinakikita nitong abnormalidad.
Aabot sa mahigit sa 18,000 katao ang naapektuhan sa 21 barangay sa mga bayan ng Juban at Casiguran sa lalawigan ng Sorsogon makaraan ang pagsabog ng Mt. Bulusan.
Humigit kumulang sa 2,000 pamilya mula sa 16 barangay ang naapektuhan nang pagsabog ng naturang bulkan.
Ipinagbabawal na rin nila ang pagpasok ng mga residente sa 4-kilometer permanent danger zone (PDZ) dahil na rin sa ipinakikitang aktibidad ng Mt. Bulusan.