ni Ed de Leon
HANGGANG ngayon, pinag-uusapan pa rin ang naging launching ng tatlong restored movies ni Governor Vilma Santos na ginanap last week pa sa UP. Maganda naman iyong pagkaka-restore, pero ang mas nakatawag ng aming pansin ay ang napakaraming taong nanood niyon.
Isipin ninyo, tatlong pelikula iyon at nagsimula ang screening nila ng 2:00 p.m., nang manood kami ng screening niyong huling pelikula, ang dami pa ring tao. May mga umuwi na dahil napanood na nila iyong una, may mga dumating namang bago kaya puno pa rin ang theater.
Iyan iyong napansin namin talaga, kaya kung ganyan ngang mga lumang pelikula na ni Ate Vi ang palabas, tapos nandoon pa sa UP Theater na malayo at out of way, talagang sasadyain mo kung gusto mong manood, ganoon karami ang tao, bakit naman ikukompara siya sa ibang walang nanonood kundi pito lang?
Iyan din ang batayan namin kaya namin sinasabing tama ang kanyang desisyon na kung may panahon lang din siyang gumawa ng pelikula, dapat ang ginagawa na niya talaga ay mga mainstream movies. Hindi dahil kikita siya ng mas maayos sa mga pelikulang iyon, kundi dahil maiaangat niyon ang industriya ng pelikula na matagal nang lugmok. Makatutulong siya sa napakaraming manggagawa na umaasa ng kanilang ikabubuhay sa industriya ng pelikula na matagal na ring nahihirapan dahil wala nga silang magawang pelikula.
Iyong mga pelikulang indie, dahil sa napakaliit na puhunan, ang kinukuhang artista niyan ay karaniwang iyong mga baguhan na wala pang pangalan, o iyong mga laos na talaga at hindi na makuha sa mga pelikulang mainstream. Para masabing artista pa rin sila, gumagawa na sila ng indie. Eh kung ang isang malaking artista na kagaya ni Ate Vi ay gagawa pa ng indie, kawawa naman iyong mga baguhan, at lalong kawawa naman iyong mga laos na, na ang maaari na lang pagkakitaan ay iyang mga indie. Baka naman kung ang mga box office star ay gumawa ng indie, ni pambili ng syoktong wala na ang mga laos.
Tama talaga si Ate Vi, mainstream movie ang sisimulan niya.