NAHAHARAP sa kasong disqualification case (DQ) si Santa Fe, Cebu re-electionist Mayor Ithamar Espinosa dahil sa paglabag sa Section 68 na may kaugnayan sa Section 261 (e) ng Omnibus election Code at Section 30 (b) at 34 (b) Article III ng Comelec Resolution No 11104.
Mismong si Rey Dela Peña, Jr., isang botanteng residente sa Cabrera St., Brgy. Talisay, Santa Fe, Cebu ang naghain ng reklamo laban kay Espinosa sa Commission on Elections (Comelec) noong 29 Abril 2025 na mayroong SPA No.-25-099(DQ).
Sa 16-pahinang reklamo lumalabas na inabuso ni Espinosa ang kanyang kapangyarihan upang takutin at abusohin ang mga empleyadong job order (JO) ng kanilang munisipalidad.
Batay sa salaysay ni Dela Peña, noong Disyembre 2023 ay nag-aplay siya bilang isa sa empleyado ng munisipalidad sa ilalim ng JO.
Bago siya natanggap at nagsimula sa trabaho noong 2 Enero 2024, itinakda ang kanyang final interview kay Espinosa.
Si Dela Peña ay itinalaga bilang legislative staff sa tanggapan ni Sangguniang Kabataan Federation (SKF) President Mark Joefel Illut ngunit sa kabila nito ay maliwanag na sinabi sa kanila na lahat silang JO ay nasa kontrol pa rin ng tanggapan ni Mayor.
Habang nanunungkulan, si Dela Peña ay kabilang sa Human Resources Management Officer (HRMO) messenger group na pinaniniwalaan niyang opisyal na komunikasyon sa ilalim ng pangangasiwa ni mayor.
Noong Oktubre 2024, itinalaga si Engr. Luisito Espinosa na pinsan ng alkalde bilang bagong pinuno ng HRMO, ngunit naniniwala si Dela Peña na lahat ng utos at sabihin nito ay galing kay Mayor lalo na’t bukod sa pagiging magkamag-anak ay super close sila.
Ngunit noong 15 Agosto 2024 ay nagbitiw na si Dela Peña sa kanyang trabaho pero nanatili siyang bahagi ng group chat kung kaya’t dito niya natuklasan ang ginawang pang-aabuso at pakinabang ni mayor sa mga empleyadong JO para sa kanyang interes politikal at kampanya.
Nabatid ni Dela Peña na puwersahang pinadadalo ang mga JO sa mga meeting ni Mayor gayondin ang puwersahang pagpapaluto ng mga pagkaing ipinakakain sa mga sumasama sa kampanya ni Mayor kahit nasa oras pa ng trabaho.
Kabilang sa mga pagkakataon na tinukoy ni Dela Peña ay noong Abril 2025 na isang mensahe ang ipinadala ni Espinosa na required ang lahat ng JO na tumulong sa pamamahagi ng pagkain at tubig at magsuot ng puting damit at kung mayroong campaign shirt ay iyon ang isuot at huwag kalimutang ngumiti at sabihin ang tag line.
Tinukoy din ni Dela Peña na noong 4 Abril 2025, kailangang magtungo ang lahat sa plaza ng 8:00 ng umaga para tumulong sa Caravan at ang hindi tutulong ay makatatanggap ng sanction at hindi na mare-renew pa ang kanilang kontrata.
Aniya, silang lahat ay pinilit noong 9 Abril 2025, 9:00 ng umaga na magluto ng pagkain para sa Caravan at kailangang full force sila sa plaza ng 1:00 ng hapon dahil doon umano mag-a-attendance.
Naniniwala si Dela Peña na ginamit ni Mayor ang kanyang pamangkin upang abusohin ang mga bagay-bagay na mayroon ang pamahalaan kabilang rito ang manpower.
Tinukoy ni Dela Peña na ang puwersahang pagpapahanda ng pagkain sa mga JO ay ginagawa sa tahanan mismo ni Mayor Espinosa sa Barangay Pooc, Santa Fe, Cebu ay maliwanag na maituturing na isang uri ng pang-aabuso at pananakot gamit ang kanyang kapangyarihan imbes sa City hall nagre-report at sa mga mamamayan nagsisilbi ang mga empelyado.
Ginagamit umano ni Espinosa ang Motorpool at General Services OFFice (GSO) ng munisipalidad para sa kanyang kampanya.
Hiniling ni Dela Peña sa Comelec ang agarang disqualification sa kandidatura ni Espinosa, at sa sandaling makakuha ng mayoryang boto ang alkalde ay dapat na isuspende ang kaniyang proklamasyon bilang nanalong mayor, at ang agarang pagsasagawa ng kaukulang imbestigasyon ukol sa kanyang inihaing reklamo laban sa alkalde.
Umaasa si Dela Peña na agarang bibigyang pansin ng Comelec ang kaniyang petisyon lalo na’t ilang araw na lamang ay halalan na.