HATAW News Team
HINDI nakaligtas ang driver ng bumangga at sumabog na 10-wheeler truck na oil tanker, may kargang 40,000 litro ng petrolyo, nitong Linggo ng madaling araw, 10 Nobyembre, sa bayan ng La Trinidad, lalawigan ng Benguet.
Ayon sa ulat, nawalan ng kontrol ang hindi pinangalanang driver, sa manibela ng tanker na naging dahilan ng pagdausdos at pagbangga nito sa isang warehouse malapit sa Puguis Elementary School.
Ayon kay La Trinidad Mayor Romeo Salda, sugatan ang 28 residente ng anim na bahay na tinupok ng apoy mula sa bumangga at sumabog na oil tanker.
Dinala ang mga sugatan sa Municipal Health Center upang malapatan ng lunas.
Tinatayang aabot sa P11 milyon ang pinsalang dulot ng pagsiklab ng tanker.
Sa ulat na natanggap ni Mayor Salda, binabagtas ng tanker ang pababang bahagi ng Longlong Road patungo sa Pico-Puguis nang masira ang preno nito at tuluyang nawalan ng kontrol ang driver dakong 11:30 pm nitong Sabado, 9 Nobyrembre.
Tumagilid ang tanker at sumadsad sa kalsada hanggang bumangga sa isang warehouse sa gilid ng Puguis main road.
Makalipas ang mahigit 30 minuto, sumabog ang tanker at sumiklab ang apoy sa tumapong petrolyo sa kalsadang dinaanan nito.
Idineklara ng Bureau of Fire Protection – La Trinidad ang fireout dakong 5:12 am kahapon, Linggo, 10 Nobyembre.
Ayon sa mga awtoridad, may kargang 30,000 litro ng diesel at 10,000 litro ng gasolina ang tanker na dadalhin sa isang gasolinahan sa nasabing bayan.