NAGBITIW sa kanyang tungkulin bilang political affairs officer ni Senador Robinhood Padilla ang aktres na si Nadia Montenegro ngunit mariing itinanggi na gumamit siya ng marijuana habang siya ay nasa comfort room sa 5/F ng Senado.
Ayon kay Montenegro walang katotohanan ang ibinibintang laban sa kanya na kinausap siya at nagsagawa ng imbestigasyon sa kanilang tanggapan ang mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSSA) na nauna nang lumabas sa mga ulat.
Bukod dito tinukoy ni Montenegro na ang kanyang ginagamit na palikuran ay nakalaan para sa persons with disablitiy (PWD) bilang isa siya sa miyembro nito.
Walang natatandaan si Montenegro na may nakasalubong siyang empleyado ng ibang senador na sinabing siyang nakaamoy ng marijuana.
Sinabing isang staff ni Sen. Panfilo Lacson ang nag-report sa Senate security tungkol sa “hindi pangkaraniwang amoy” na nagmumula sa ladies’ comfort room sa 5th floor malapit sa extension offices ng mga senador.
Ang amoy ay kahawig umano ng marijuana at sinabing ang tanging tao sa lugar noong panahong iyon ay si Montenegro.
Sa kanyang sulat, mariing itinanggi ni Montenegro na siya ang staff na tinutukoy sa mga kuwento at sinabing ang mga paratang ay walang batayan at ‘malisyosong ibinahagi sa media’.
Sinabi rin niya na ang ulat ng insidente na kumalat sa social media ay ‘misleading’, walang nakitang marijuana dahil mayroon lamang siyang vape na amoy grape o ubas.
“I denied smoking or using marijuana inside the comfort room… If only this Honorable Office will secure the CCTV footages, it can be vividly established that I even showed him said vape,” ani Montenegro.
Sinabi ni Montenegro na ang kontrobersiya ay naging dahilan ng panunuya sa kanya at kanyang pamilya. Nadamay maging ang kanyang mga anak na binansagan bilang “mga anak ng isang adik sa droga.”
“Even with a heavy heart but for the sake of my mental health… I decided to tender my resignation from my position in Senator Padilla’s office effective immediately,” ani Montenegro.
Mariing inilinaw ni Montenegro na ang pagbibitiw niya sa puwesto ay hindi dapat ipagkamali na “guilty” siya sa ibinibintang sa kanya kundi isang pagpapakita ng malalim na paggalang sa Senado.
Nagpasalamat ni Montenegro kay Padilla sa tiwala sa kanyang paglilingkod.
Tiniyak ni Atty. Rudolf Philip Jurado, Chief of Staff ng Senador na handang makipagtulungan ang kanilang tanggapan sa imbestigasyon sa kabila ng pagbibitiw ni Montenegro. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com