MA at PA
ni Rommel Placente
SA bagong game show ni Toni Gonzaga na Ang Tanong, ay naging players ang mga komedyanteng sina Bayani Agbayani, Isko Salvador o Brod Pete, at Eric Nicolas.
Bago nagsimula ang naturang episode ng Ang Tanong ay inalala muna ni Toni ang mga pinagsamahan nilang mga proyekto ni Bayani.
Sabi ng aktres at TV host, nakatrabaho niya si Bayani sa Home Swetie Home ng ABS-CBN na mag-asawa ang role nila ni John Lloyd Cruz. Pero mas madalas daw makatrabaho ni Bayani ang nakababata niyang kapatid na si Alex.
Pagkarinig niyon, sabi ni Bayani, “Oo. At saka ang kapatid mo ibang-iba sa ‘yo. Napakatalino mo. ‘Yung kapatid mo saksakan ng bobo.”
Ayon pa kay Bayani na natatawa, sobrang ingay daw ni Alex. Wala naman daw laman ang utak nito, puro lang daw satsat.
Kung makararating kay Alex ang pagtawag sa kanya ni Bayani ng bobo, sigurado kaming hindi siya mao-offend. Close naman kasi sila ng komedyante kaya magagawa at kayang-kaya siyang biruin nito.
Matagal nang magkaibigan sina Alex at Bayani at madalas silang nagbabardagulan sa kanilang mga naging shows tulad ng I Can See Your Voice at Tropang LOL.
Pero knowing Alex, ‘pag nakarating sa kanya ang biro ni Bayani, sigurado na sasagutin niya ito ng pabiro rin. Ano naman kaya ang itatawag ni Alex kay Bayani?
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com