MAGSASAMANG muli sina Senador Lito Lapid at Direk Coco Martin matapos ang pagkamatay ni Supremo aka “Primo” sa Batang Quiapo sa kampanya serye sa Cavite bukas, Huwebes, April 10.
Sinabi ni Lito na itinuturing niyang anak si Coco dahil sa higit sampung taon nilang pagsasama sa mga teleserye at mga pelikula, kabilang na ang FPJ’s Ang Probinsyano at Apag.
Ayon pa sa senador, mabait at matulungin si Coco at ilan ito sa mga katangiang nagustuhan niya sa aktor at direktor ng BQ.
Nauna nang nakiusap ang premyadong actor/direktor sa mga Batagueño na iboto si Sen Lito (#35) sa nalalapit na 2025 elections sa May 12.
Sa kanyang mensahe sa proclamation rally ng FPJ Panday Bayanihan Partylist sa Malvar, Batangas, hiniling ni Coco na iboto ng mga Batangueño si Lito, ang Supremo sa Batang Quiapo.
“Gusto ko rin po sanang hilingin sa inyo ang isa sa aking inirerespeto, mahal na kaibigan na itinuturing ko ring ama, hindi ako mapapalapit sa taong ito kung hindi ko nakita sa kanya ang kabutihan, kababaang-loob, pagkilos at pagiging tapat, sana po ay suportahan din natin si Sen. Lito Lapid, number 35 sa balota.”
Nagpasalamat naman si Sen Lito sa endorsement ni Coco at pamilya ni Sen Grace Poe.
Sinabi ni Sen. Lapid na hindi niya malilimutan ang malaking naitulong ni Fernando Poe Jr. sa kanilang pamilya dahil ang kanyang ama na si Jose Lapid ay naging stuntman noon ni Da King.
“Walang Lapid sa pelikula kung walang FPJ. Noong ako po’y nagsimula maging bida sa pelikula, sinuportahan po ako ni FPJ. Nagbida po ako noon sa ‘Jess Lapid Story.’ Wala po si Jess Lapid Sr. kung walang FPJ. Kaya po wala rin sa politika si Lito Lapid na nasa harap n’yo ngayon kung walang FPJ,” ani Lito.
Si Jess Lapid Sr. ay tiyuhin ni Lito.
Nagka-tambal sina FPJ at Lapid sa pelikulang Kalibre .45 noong 1980, kasama ang namayapang si Eddie Garcia.