NGAYONG 6 Abril, binati ng TRABAHO partylist si Melai Cantiveros-Francisco na siyang tumatayong kampeon ng mga reporma ng grupo para sa sektor ng mga manggagawa.
Sa reel na kanilang ini-upload sa opisyal na pahina sa Facebook na #106 TRABAHO Partylist, ipinakita ang natural na pagiging kuwela ni Cantiveros-Francisco sa kanyang pakikisalamuha sa publiko tuwing sila ay may motorcade at bisita sa mga palengke.
Maging sa gabi bago ang kaarawan ng komedyante, makikitang game na game siyang nakikisayaw kasama ang mga nagtatrabaho sa Navotas Fisheries Port Complex.
“Walang arte” at “makamasa” si Cantiveros-Francisco na masayang nagpapaunlak na siya ay mayakap at mahalikan sa pisngi ng mga kapwa kababaihang humahanga sa kanya.
Nakisalo siyang kumain nang nakakamay kasama ang grupo at mga tindera sa Mutya ng Pasig Market.
Sa gitna ng lahat ng kasiyahan, kahanga-hanga ang determinasyon ni Cantiveros-Francisco na mabigyang oras na makaharap ang publiko nang tao-sa-tao dahil napakaimportante sa kanya na aktuwal na nakikilala at nakikita ng mga manggagawa ang kanilang iboboto at ang mga repormang kanilang binabalikat.
Ang TRABAHO partylist, numero 106 sa balota, ay nagbabalikat ng mga reporma sa batas na magbibigay ng dagdag na benepisyo at makatarungang mga kondisyon para sa lahat ng manggagawa, lalo ang mga sektor na nasa laylayan ng lipunan.