LUMALAWAK ang suporta ng kababaihan sa kandidatura ni Shamcey Supsup-Lee bilang kinatawan ng unang distrito para sa Konseho ng Pasig City
Tumampok si Shamcey Lee dahil sa paniniwala ng kanyang mga tagasuporta na mayaman sa karanasan at paglilingkod sa batayang masa.
Bunsod nito, dumagsa ang tagasuporta ng pitong kandidato ng Team Kaya This. Dumalo sila sa isang Banal na Misa at kick-off rally ng naturang partido na ginanap sa SGC St. Gerrard Construction Building Lobby ng Barangay Bambang.
Ayon kay Lloyd Lee, unang nominado ng ARTE partylist, lubos nilang ikinalugod ang tinatamong suporta ni Shamcey sa hanay ng iba’t ibang sektor.
Isang patunay na si Shamcey Lee na bilang founder ng ARTE Partylist ay walang humpay na pinagbubuklod ang mga malikhaing manggagawang Filipino na maisulong ang kanilang interes at tinig sa Kongreso.
Kababaihan karamihan ang mga malikhaing manggagawang Filipino na nahahanay sa sining at textile industry.
Ayon kay Shamcey, ikinalulugod niya ang suporta ng mga kababaihan sa hangarin nila na magkaroon ng representasyon ang sektor sa politika.
Ito’y isa sa pangunahing kinakailangan para sa pagkakapantay-pantay ng kasarian at tunay na demokrasya, lahad ni Lee.
Pinadadali nito ang direktang pakikisangkot ng kababaihan sa pampublikong paggawa ng desisyon at isang paraan ng pagtiyak ng mas mabuting pananagutan sa kababaihan, ani Lee.
Mapag-aalaman na si Shamcey Gurrea Supsup-Lee ay isang beauty pageant titleholder. Kinoronahan siya bilang Binibining Pilipinas Universe 2011.
Naging representante siya sa Miss Universe 2011 pageant na ginanap sa Brazil at nasungkit niya ang pagiging 3rd Runner-Up.
Nagtapos si Shamcey ng kursong Arkitektura sa University of the Philippines. Tumanggap siya ng akademikong karangalan bilang Magna Cum Laude.
Nakamit ni Shamcey Lee ang pagiging board topnotcher sa ginanap na Architecture Licensure Exam noong 2010.
Kamakailan, ipinahayag ng multi-sectoral group ang kanilang pinagsanib na suporta para sa kandidatura ni Shamcey Supsup-Lee at sa ARTE partylist.
Kabilang sa sumuporta ang grupo ng mga kababaihan, mga kabataan at creative artists at LGBTQIA na nagtipon sa Kalawaan covered court ng Barangay Kalawaan ng Lungsod ng Pasig.