ISANG babae na may bipolar disorder ang lumapit sa CIA with BA para humingi ng tulong ukol sa pagkalat ng isang sex video na kinunan kasama siya.
Sa segment na Payong Kapatid, ibinahagi ni Elaine na dahil sa kahirapan ay napilitan siyang magtrabaho bilang sex worker sa Quezon City.
Sa kanyang unang araw, nagkaroon siya ng mga kliyente, ngunit sa sumunod na araw ay wala na.
Nag-aalala na baka hindi na siya makakuha ng mga kliyente, naghanap siya ng trabaho sa pamamagitan ng social media. Rito na nagsimula ang kanyang kalbaryo nang makipag-ugnayan sa isang tao na nagpakilalang ahente at sinabing may kliyenteng Chinese na bukod sa pagtatalik, gusto rin ng sex video para sa mas mataas na halaga.
Matapos i-record ang video gamit ang kanyang sariling telepono, may nagpakilala namang umano’y kasama ng ahente at kinuha ang kanyang email address upang ipadala ang code. Ngunit ito pala ay isang scam. Na-hack ang kanyang social media accounts, mga e-wallet, at pati ang kopya ng sex video.
Rito na nagsimulang ibenta ng hacker ang kanyang sex video, maging sa mga kaibigan niya sa social media.
Ipinahayag ni Senator Pia Cayetano ang tatlong mahahalagang punto tungkol sa kaso ni Elaine. Una, talagang dapat maging maingat sa pagsali sa social media groups. Pangalawa, bagamat pumayag si Elaine na magpa-video, wala pa ring karapatan ang sinuman na ikalat ito ayon sa batas na Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, na siya ring isinulong ni Senator Pia. Ikatlo, ang mga responsable rito ay maaaring managot sa ilalim ng Trafficking in Persons Act.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Ernest Nora, isang general psychiatrist, na ang mga desisyon ni Elaine ay maaaring dahil sa kanyang kondisyon.
“It’s a mood disorder na mayroong pong extremes. On one side would be depression — lagi siyang malungkot, hindi maganda ang pananaw niya sa buhay. But on the other side is ‘yung mania. Kapag ganito po, sobra naman ‘yung activity nila — lahat akala kaya nilang gawin… kasama po roon would be ‘yung mga pre-occupations niya with sex. Ito po ay isang sintomas. Ang mahirap po kay Elaine ay ginamit niya bilang trabaho. But ‘yun po ay napalala pa,” paliwanag niya.
“Mayroon pa pong isang kondisyon si Elaine na bihirang-bihira po. Ito po ‘yung androgen insensitivity syndrome. Although babae si Elaine, mayroon siyang hormones na panlalaki at isa ‘yon sa nag-a-adapt ng kanyang hypersexuality — ito po ‘yung dating tinatawag nating nymphomania. Mayroon siyang poor impulse control with regards to that,” dagdag pa.
Ayon pa sa eksperto, ang mga gamot ay makatutulong sa pamamahala ng kondisyon, ngunit ang therapy ay tutulong sa kanya na makayanan ang panghabang-buhay na paggamot, na ipinangako ng programa na susuportahan.
Ang CIA with BA ay nagpapatuloy sa pamana ng yumaong Senador Rene Cayetano at mapapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, na may replays sa GTV tuwing Sabado ng 10:30 p.m.