HINDI namin nahalatang kabado si Denise Esteban sa pelikulang pinagbibidahan niya na mapapanood sa Vivamax, ang Kara Krus kasama sina Adrian Alandy, Felix Roco, at Allison Asistio na idinirehe ni GB Sampedro.
Sa private screening ng Kara Krus nakita namin ang pagiging matapang at galing sa pagkakaganap ni Denise bilang sina Lena at Adela. Hindi namin nakita na nahirapan siya tulad ng pag-amin niya noon sa isinagawang mediacon ng pelikula.
Si Adela ay isang butihing maybahay ni Marvin na isang mabait at responsableng kabiyak. Subalit ang kanilang tahimik na pagsasama ay guguluhin ng pinaniniwalaan niyang kakambal na si Lena. Makikita ni Marvin ang kaibahan ng dalawa, si Adela ay mapino at mabait at tila ba isang babae na hindi makabasag pinggan, samantalang si Lena ay isang agresibo at parang may kati sa katawan.
Umabot sa sukdulan ang ginawang panggugulo ni Lena sa buhay ni Adela hanggang sa mahaluan ng mga krimen ang mga dating laro-laro lamang sa kanya.
Sinabi ni Denise na nahirapan siya sa karakter ni Lena dahil wild ito. Ibang-iba sa tunay niyang personalidad na mabait. Pero na-enjoy niya ang pagganap sa karakter na ito at sobra siyang na-challenge.
Ani Denise, “When I read the script, kinabahan talaga ako. Kaya ko ba ito? But they made me undergo a workshop to help. And I also asked Direk GB how exactly he wants me to portray each character.
“He was a big help kasi kung minsan, nalilito ako and he’s the one who guides me. We made sure na magkaiba talaga ang personality nina Adela and Lena from one another.
“Pati sa boses nila, binago ko. At sa mga mata pa lang nila, you’d see na mahinhin ‘yung isa at wild yung isa,”ani Denise na matagumpay naman niyang nagampanan.
Aniya pa, “I’m just happy that they trusted me with this kind of role, kaya naman I made sure I gave it my all kasi I don’t want to let down their expectations.”
Advantage na si Luis ang kapareha ni Denise dahil nakatulong ito para i-guide siya sa mga maseselang tagpong ginawa nila.
Sabi nga ni Denise, “He’s really very helpful lalo sa love scenes namin, dahil sobrang challenging ang mga ipinagawa sa amin dito.”