DESMAYADO si Committee on Sports Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa desisyon ng Philippine Athletics and Track and Field Association (PATAFA) na alisin ang pole vaulter na si EJ Obiena mula sa national training pool ng mga manlalaro.
Imbes tulungan at tingnan ang kapakanan ng national athletes upang makapag-focus sa paghahanda sa mga international competitions, nakakaladkad pa sa isyu na dapat ay nareresolba ng sports officials at organizations.
Binigyang diin ni Go, hindi dapat ipitin at mas pahirapan ang mga atleta at higit sa lahat, dapat ibigay ang kanilang pangangailangan.
Giit ni Go, nakasentro dapat ang mga national athletes sa pagbibigay ng panalo at dangal sa pamilya at sa bansa at hindi para ipapasan sa kanila ang mga isyu na puwedeng pagtulungan ng mga opisyal at organisasyon.
Matatandaan, inianunsiyo ng PATAFA noong Martes na plano nitong sampahan ng kasong estafa ang world number 6 pole-vaulter na si Obiena dahil sa alegasyong hindi binabayaran ang kanyang coach na si Vitaly Petrov at ang falsification ng liquidation documents.
Bukod dito, itinigil ng PATAFA ang serbisyo at nakatakda pang sampahan ng complaint si Petrov dahil sa paglabag umano sa World Athletics Integrity Code of Conduct gayondin ang pagdedeklara sa adviser ni Obiena na si James Lafferty na persona non grata.
Ani Go, nakadedesmaya na mas natutuon ang atensiyon ngayon sa isyu imbes suporta at pagpupugay sa kababayang napahanay sa mga world-class at promising pole-vaulter na tulad ni Obiena. (NIÑO ACLAN)