ISASAILALIM ng Senado sa isang executive session ang Bureau of Internal Revenue (BIR) para malaman ang mga tunay na datos at mga ari-arian at yamang idineklara ng mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporations sa kanilang Income Tax Return (ITR) at maging ang deklarasyon ng pag-aari at pananalapi ng kompanya.
Ito ay rekomendasyon ni Senador Richard Gordon, Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee upang mabusisi ang kompanya.
Nauna rito, tinangka ng senado na ipasumite sa BIR ang mga dokumentong may kinalaman sa kompanya at sa mga opisyal nito.
Ngunit tumanggi ang BIR dahil posible silang sampahan ng kaso ng mga taong ilalabas o ibibigay ang mga imporamsyon na nasa kamay ng ahensiya nang walang pahintulot.
Sinabi ni BIR Commission Ceasar Dulay, handa siyang ibahagi ang mga impormasyon ng mga opisyal ng kompanya at ng mismong kompanya kung ito idaraan sa isang executive session.
Inaasahan ng senado ang agarang kooperasyon ng BIR matapos pagbigyan ang kahilingan nito. (NIÑO ACLAN)