PINURI ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) Team ng National Task Force Against (NTF) CoVid-19 at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa kanilang pagtugon sa problema ng CoVid-19 sa siyudad.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni National Defense Secretary Delfin Lorenzana na kapuri-puri ang mga pagsisikap ng lokal na pamahaalan upang masugpo ang CoVid-19.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, kompara noong kanyang unang pagbisita, malaki ang ibinaba ng bilang ng mga naitatalang positibo sa CoVid-19 nitong mga nakaraang araw sa lungsod ng Caloocan.
Aniya, maganda ang estratehiya ng siyudad sa zoning, isolation at maging sa paghanap nito ng mga pamamaraan upang mas maging epektibo at episyente.
Nagpahayag din ng paghanga ang mga opisyal na dumalo sa pulong sa maayos na pagpapatupad ng color-coded quarantine pass system upang mapanatili ang physical distancing sa matataong lugar at sa nakatakdang paggamit ng quarantine band (qBand) ng pamahalaang lungsod para sa makabago nitong proseso ng contact tracing.
Nagpasalamat si Caloocan Mayor Oscar “Oca” Malapitan sa suporta ng pamahalaang nasyonal para sa patuloy na paglaban ng lungsod ng Caloocan sa pandemya.
Tiniyak din ng alkalde ang masusi nitong pakikipag-ugnayan sa mga punong barangay hinggil sa mga ipinatutupad na alituntunin at programa laban sa CoVid-19.
Samantala, bahagi ng programa ang panunumpa ng mga punong barangay at opisyal ng pamahalaang lungsod bilang kasapi ng Barangay Disiplina Brigade na programa naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Health (DOH).
Nagkaroon ng ceremonial turnover ng mga donasyong face mask, personal protective equipment (PPE), at hygiene kits sa lungsod. (JUN DAVID)