HINAMON ng 7th Infantry Division (7ID) ng Philippine Army ang ‘CPP/NPA-front organization’ na patunayan nila ang ibinibintang na pambobombang naganap sa komunidad ng mga (IP) Indigenous People sa Sitio Lumibao, sa bayan ng San Marcelino, lalawigan ng Zambales, noong 21 Agosto.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni Major Amado Guttierez, commander ng 7th ID PA public affairs office, hinggil sa malisyosong akusasyon ng anila’y ‘CPP/NPA front organization’ na pag-atake sa komunidad ng mga Aeta, pambubugbog, ilegal na detensiyon, at pagpapakain ng ‘ebak’ ay pawang walang katotohanan sa pagkahuli ng limang Aeta kasama ang isang menor de edad na humalo sa mga taong nasagip nang mahuli ng tropa ng 703rd Brigade.
Pahayag ni Guttierez, posisyon ng mga kalaban na nagtatago sa komunidad ng mga biktima na kanilang ginagamit at inuuto para sa sariling pakinabang at hindi ang mga tirahan ng mga pobreng Aeta ang pinuntirya ng kanilang pag-atake sa naganap na labanan.
Katunayan, agad na dinala ang limang Aeta na umano’y NPA sa tanggapan ni Dr. Nida Pabunan, municipal health officer ng San Marcelino, upang masuri ang kanilang kalusugan.
Bunsod nito, maghahain ng reklamo ang kinatawan ng Army 7th ID sa ilalalim ng Cybercrime Prevention Act ng kasong libel laban sa grupo ng Umahon Para sa Repormang Agraryo, College Editors Guild Of The Philippines, at League of Filipino Students sa kanilang mga malisyosong pagpapakalat sa social media sa naturang kaganapan na hindi man lang kinuha ang kanilang panig.
Samantala, pinasinungalingan ni Randy Bernales, National Commission on Indigenous Peoples – San Marcelino Service Chapter, na ayon sa kanilang pag-iimbestiga ay wala umanong binombang kabahayan at walang nasaktan sa panig ng mga katutubo maliban sa kuta ng mga NPA na napinsala sa pag-atake ng mga military na sinang-ayonan ni Marcelo Galado, Aeta Chieftain ng IP Community sa Lumibao.
Iniulat na nagkaroon ng enkuwentro sa pagitan ng CPP/NPA at tropa ng 703rd Brigade Philippine Army sa Sitio Lumibao, Buhawen, sa naturang bayan, na nagresulta sa pagkakakompiska ng bultong mga bala at subersibong dokumento nang mabawi ang kampo sa mga bandidong rebelde nitong 21 Agosto. (RAUL SUSCANO)