KAHIT nasa America, handa na kayang maidemanda si BB Gandanghari (ang dating Rustom Padilla) ng kampo ni Piolo Pascual dahil sa pagkukuwento nito ng umano’y naging relasyon nila ng actor sa San Francisco, California noong 2001.
Sa San Francisco ang setting ng umano’y relasyon na ‘yon dahil nagkasama sila sa passion play na itinanghal doon ng isang grupo ng mga artistang Pinoy na galing sa Pilipinas. Ang iba pang miyembro ng cast ay sina Alice Dixson, Rosanna Roces, Mat Ranillo III, Rez Cortez, at Judy Ann Santos.
Ginawa ni BB ang pagbabalik-tanaw sa umano’y relasyon na ‘yon sa isang livestream session sa You Tube noong Agosto 30.
May katoto kami sa panulat, si Jojo Gabinete, na mistulang idinokumento sa isang report sa entertainment website na PEP (Philippine Entertainment Portal) noong Agosto 31 ang kuwento ni BB na ang titulo ay (published as is, kasali ang maling grammar sa Ingles): “I Left My Heart in San Francisco: Who is David and Jonathan?”
Ayon kay Jojo, ang estilo ng kuwento ni BB ay binigyan n’ya ng alyas sina Rustom at Piolo na “David” (para kay Rustom) at Jonathan (para kay Piolo) para nga raw ‘di siya makasakit ng damdamin ninoman.
Paano nalaman ni Jojo na sina Rustom at Piolo nga ang mga artistang ikinukuwento n’ya?
Ani Jojo: “Pero may kasabihang nahuhuli ang isda sa sariling bibig. Sa kanyang paglalahad, paulit-ulit na nabanggit ni BB ang mga pangalang ‘Rustom’ at ‘Piolo’.”
Napakaraming bahagi ng kuwento ni BB ang sinipi ni katotong Jojo sa ulat n’ya sa PEP na ang titulo ay: “BB Gandanghari details romantic encounter in San Francisco of Rustom Padilla and a famous actor.”
Habang isinusulat namin ito noong Huwebes (September 3) ay itini-teaser na sa Google Discovery ang report ni Jojo na noong September 1 pa unang lumabas sa PEP website.
Wala pang lumalabas na reaksiyon mula sa kampo ni Piolo tungkol sa walang-takot na kuwento tungkol sa umano’y maikling romansa nina Rustom at Piolo sa San Francisco. Sa abot ng kaalaman namin, talent pa ng ABS-CBN ang aktor na huling nakunan ng litrato sa isang noise barrage ng mga artista, talent, empleado, at supporters ng network ilang araw pagka-disapprove ng Congress ng renewal ng broadcast franchise ng ABS-CBN.
Bago ang pagsulpot n’yang ‘yon ay napagbintangan siyang maka-Duterte dahil napaulat na kasama siya ng direktorang si Joyce Bernal sa Baguio at sa Sagada para gumawa ng video support sa paparating na State of the Address ni President Duterte.
May panahon ang kwarantina na ginugol ni Piolo sa mala-hotel rest house n’ya sa Batangas kapiling ang kanyang ina. Baka bumalik siya roon dahil hindi pa naman tapos ang kwarantina at wala namang napapabalitang bagong project na pinagkakaabalahan n’ya. May napabalita noon na may ginagawa silang pelikula ni Alessandra de Rossi na isa rin si Piolo sa mga prodyuser at si Alessandra rin ang direktor. Inabot din yata ng kwarantina ang syuting nila kaya natigil. Wala pang balita kung nagsimula na silang muli.
Hindi pa rin ibinabalita ng ABS-CBN kung natuloy na ang pagte-taping muli ng Home Sweetie Home nila ni Tony Gonzaga, at kung saan gusto nilang pabalikin muli si John Lloyd Cruz.
Antabayanan natin ang magiging reaksiyon ni Piolo o ng ABS-CBN sa pagtatapat ni BB Gandanghari. Magdemanda kaya sila?
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas