ISANG Pinoy na nakabase sa Australia ang humingi ng tulong kina Pangulong Rodrigo Duterte at Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teddy Locsin, Jr., matapos ireklamong ‘dinukot’ ng social workers ng Department of Children Services (DoCS) at personnel ng Family Community Services and Justice (FCSaJ) ang dalawang menor de edad niyang mga anak.
Sa reklamo ni Inocencio “Coy” Garcia, 25 taon nang residente sa Kurama Cresent Whalan NSW 2770 Sydney Australia, pitong taon na siyang nakikipaglaban sa kustodiya ng kanyang dalawang menor de edad na anak na sinasabing kinidnap ng mga tauhan ng DoCS-FCSaJ sa Mount Druitt, City of Blackdown, sa Greater Sydney Metropolitan area sa New South Wales noong 23 Setyembre 2014.
Bigla umanong pinasok ang bahay ni Garcia ni DoCS case acting manager Kayleigh Wotherspoon at kinuha ang kanyang anak na si Jennifer, 3 anyos, at James, 2 anyos, habang siya ay nasa trabaho.
Inakusahan ni Wotherspoon si Garcia ng child abuse at malnutrition para pagtakpan ang pagdukot sa mga bata at para magkaroon ng legal na basehan para kunin ang kustodiya ng dalawang bata sa kanyang ama.
Nagpapatuloy pa rin umano ang legal na laban ni Garcia para makuha ang kustodiya ng kanyang mga anak matapos sampahan ng kasong kriminal ang DoCS na tinawag niyang scam dahil wala umano itong pupuntahan dulot ng pagtatago ng korte ng court hearing proceedings habang sinasabing kasabwat ang mga social worker na umano’y sangkot sa kidnapping at pagpeke sa pirma nila para sa child adaptation process.
Sinasabing nag-ugat ang insidente matapos silang humingi ng tulong sa mga social workers para tulungan ang kanyang asawa na inabuso ng kanyang tiyuhin noong siya ay 14-anyos pa lamang sa bahay ng kanyang ina na katabi lamang ng bahay ni Garcia, ngunit imbes magsagawa ng imbestigasyon sa nangyaring krimen ay natuon ang atensiyon nila sa pagkuha ng kanyang dalawang anak.
Nanawagan si Garcia sa Embahada ng Pilipinas sa Australia na magpadala ng abogado sa kanyang nakatakdang pagdinig sa 3 Setyembre para mabantayan at mabigyan ng patas na trial lalo na’t pinangangambahan niya ang muling pag-aresto sa kanya at gawan ng umano’y panibagong kaso. (JAJA GARCIA)