SINABIHAN ng Distribution Utility na More Electric and Power Corp, (More Power) ang Panay Electric Company (PECO) na respetohin at sundin ang itinakda ng batas sa harap ng nagpapatuloy na legal battle sa pagitan ng dalawang power firm at nakatakdang pagpapalabas ng desisyon ng Supreme Court (SC) sa legalidad ng inihaing expropriation case, kahit may legal remedies.
Kasabay nito, kinastigo ni More Power President and CEO Roel Castro ang ipinakakalat ng kampo ng PECO na may biases ang RTC judges at SC sa More Power kaya pumapabor ang desisyon nito sa kanila.
Giit ni Castro, ang mga desisyon ng korte ay nakaayon sa facts habang objective at independent ang mga hukom at mahistrado sa pagresolba sa mga kasong hawak nito.
Una nang sinabi ni PECO Legal Counsel Atty. Estrela Elamparo na ang kanilang ‘main fight’ ay talagang sa SC at naniniwala silang idedeklarang unconstitutional ng kataas-taasang hukuman ang takeover ng More Power sa assets ng PECO habang si Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano ay umapela kay Pangulong Rodrigo Duterte na pumagitna sa usapin ng dalawang kompanya dahil sa palagay nitong bias ang korte sa bagong distribution utility.
Ipinaliwanag ni SC Spokesman Brian Hosaka na walang basehan ang akusasyon ng pagiging bias ng kataas taasang hukuman. Aniya, ang SC ay binubuo ng 15 mahistrado at ang desisyon nito ay nakabase sa majority vote at laging nakaangkla sa facts, applicable laws at current jurisprudence.
Matatandaang 11 Disyembre 2018 nang bigyan ng 25 taong legislative franchise ng Kongreso ang More Power na maging solong distribution utility sa Iloilo City kapalit ng PECO. Noong 14 Pebrero 2019 isinabatas ito ni Pangulong Duterte nang lagdaan ang Republic Act 11212.
Sa desisyon ni Iloilo Regional Trial Court Branch 23 Emerald Requina-Contreras, sinabing nang mag-expired ang prankisa ng PECO noong 19 Enero 2019 ay wala na itong legal ground para kuwestiyonin ang batas, kasunod nito ay iniutos ng korte ang writ of possession para ilipat ang distribution system asset ng PECO sa More Power hindi bilang pagbibigay pabor sa bagong franchisee kundi para matiyak na hindi mapuputol ang serbisyo sa consumers.
Ang nasabing usapin ang nakatakdang desisyonan ng SC, samantala, umabot sa 70,000 reklamo mula sa consumers ang natanggap ng More Power sa loob ng limang buwang operasyon nito.
Sinabi ni Castro, ang natatanggap nilang dami ng reklamo ay pagpapakita ng tunay na estado ng power system sa Iloilo City nang kanila itong datnan.
Sa rami ng problema noon sa ilalim ng PECO ay isinara nito sa publiko ang kanilang hotlines gayondin ang consumer complaints kaya nang mag-takeover ang More Power ay ginawang 24/7 ang hotline, aktibo sa social media at mayroong face to face complaints desk.
“Nagkaroon ng delayed action sa mga reklamo, PECO were never open kaya natambak ‘yung mga problema ng consumers, but under our watch we are transparent and we are now addressing all the complaints,” pahayag ni Castro.
Kung ikokompara umano ang pagtugon ng More Power sa problema sa power service sa lalawigan ay hindi ito maihahambing sa PECO dahil isinara ng huli ang kanilang pintuan sa kanilang power consumers.