NAGING mabilis ang naganap na pagbabago sa larangan ng Edukasyon nang magitla tayo sa malawakang epekto na dulot ng pandemyang COVID-19.
At sa hindi inaasahang pagkakataon, naharap ang buong sistema ng edukasyon, lalo ang isang guro, sa bagay na dapat yakapin at alamin upang makaraos sa panahon na isinailalim sa lockdown ang malaking bahagi ng bansa dahil sa pandemya.
Malaking hamon sa mga gaya namin, na sabi nga, taon-taon sa tuwing magbubukas ang klase ay parang pinapasan namin ang daigdig.
Napaisip ako at kahit kinakapa pa ang sarili ay nagdekalara sa sarili: “Kakayanin ko ito!” Siguro, ganoon din ang deklarasyon ng marami pang “seasoned teacher” na tulad ko.
Lagi kong binabanggit: “I have to go out of my comfort zone.” ‘Yan ay upang maging bukas at makasunod ako sa pagbabago.
At tama nga, sa paghahanda ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at sa tulong ng mga susing tao, mula sa aming Division Superintendent na si Bb. Merlina P. Cruz ng SDO San Jose del Monte City at sa aming punong-guro, Gng. Wilma Aquino, ng Sapang Palay National High School (SPNHS), naging kaagapay namin sila.
Wala naman madali sa umpisa lalo sa bilis ng teknolohiya ngayon ngunit dahil sa pagmamahal sa tungkulin bilang guro ay bukas-kamay at taos pusong niyakap ang pagbabagong iwinasiwas ng panahon.
Sa edad 57 anyos at masasabing nalalapit na sa panahon ng pagreretiro, hindi inakala ng inyong lingkod na muling maging mapangahas at masisasig sa pagtuklas ng iba’t ibang uri ng pamamaraan upang maihatid sa ating mga mag-aaral ang edukasyong de-kalidad.
Hindi naging hadlang ang edad upang magpatuloy sa pagtuklas ng magandang estratehiya sa pagtuturo sa tinatawag nating “new normal in education.
Ang mga webinar na ipinagkaloob sa aming mga guro mula sa aming dibisyon — SJDM City at mismong mula sa DepEd ETU ay isang mahusay at mabisang sandata upang patuloy na maihatid ng mga guro sa mga mag-aaral ng SPNHS ang kaalamang nararapat para sa kanila.
Ang patuloy na pagtanggap sa hamon ng pagbabago ay nagbigay ng lalong sigla at pagnanais na mailapit sa mga mag-aaral ang lahat ng pamamaraan nang hindi naisasakripisyo ang kalidad ng pagtuturo.
Sa pamamagitan ng mga makabagong apps at programa, lubos na napakinabangan ang iba’t ibang social media platforms at ang nakagawiang telebisyon at radio upang makapaghatid ng kaaalaman sa mga mag-aaral.
Isang malaking hamon para sa ating mga guro ang panahong ito, ngunit dahil tayo ay sama-sama, at sa gabay ng punong-guro na si Gng. Aquino, tiyak na bibigkisin tayo ng ating marubdob na hangaring maging tunay na tagapagtaguyod ng de-kalidad na edukasyon para sa lahat ng mag-aaral na nagnanais ipagpatuloy ang pagtuklas ng karunungang magiging sandata at kalasag nila sa pagsuong sa tunay na buhay sa labas ng campus at akademya.
Bilang guro sa panahon ng pandemya, bagamat may sariling pangangailangan ay nanatili ang hangaring huwag bumitaw sa pagpapastol sa mga mag-aaral sapagkat ngayon higit kailanman narito kami, upang kumalinga ng mga ligaw na pangarap, magpayabong ng kaisipan, at maging kaagapay upang maituro ang landas patungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap.
Ang pagpapatuloy sa sinumpaang propesyon, sa paniniwalang ito ay bokasyon, at paglilingkod para sa bayan ay malinaw na pagpapatunay ng aking pagsuporta sa panawagan ng kagawaran na #WeAre1DepEd #DigitalRisePH #SulongEduKalidad.
Sa pamamagitan ng gabay na ito, naniniwala akong naisasakatuparan ko ang prinsipyong mula sa guro, para sa bata at para sa bayan.