BINAWIAN ng buhay ang isang nars habang sugatan ang isa pa nang tambangan ng hindi kilalang mga salarin ang isang ambulansiyang may sakay na mga volunteer medical rescuer patungong bayan ng Roxas, sa lalawigan ng Palawan, noong Sabado ng hapon, 1 Agosto.
Kinilala ni P/Lt. Col. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng MIMAROPA regional police, ang namatay na nars na si Aljerome Bernardo, 51 anyos; at ang sugatang drayber na si Alex dela Peña, na nasa kritikal na kondisyon.
Ayon sa ulat, binabagtas ng sasakyang may sakay na apat na responder mula sa Rescue 165 na nakatalaga sa bayan ng Dumaran, sa naturang lalawigan, ang national highway sa Bgy. Dumarao sa Roxas, patungong lungsod ng Puerto Princesa, dakong 3:00 ng hapon nang paulanan ng bala ng mga suspek.
Agad binawian ng buhay si Bernardo nang matamaan siya ng bala sa kaniyang dibdib. Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa likod ng pananambang, kabilang na posibilidad na napagkamalang police mobile ang ambulansiya.